Pagpapatalsik kay Gen. Parlade sa NTF ELCAC, inirekomenda ng Senado

INIREKOMENDA ng Senado ang pagtanggal kay South Luzon Command Chief Lieutenant General Antonio Parlade bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).

Nakasaad sa Senate Committee report na iligal para sa isang aktibong military officer na humawak ng isang civilian position sa gobyerno.

Iginiit ni Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation Chairman Senator Ping Lacson na ang NTF-ELCAC ay isang Civilian Task Force.

Aniya, kailangang maiwasan ang posibleng conflict sa pagitan ng mga polisiya ng NTF-ELCAC at ang mandato ng security sector sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tagapagsalita na walang kaugnayan sa security forces.

Matatandaan na ilang human rights group at mga makakaliwang grupo ang umano’y na-red tagged ni Parlade at inakusahang tagasuporta ng mga rebeldeng komunista.

Bagay na itinanggi ni Parlade at pinanindigan na hindi red-tagging ang kanilang ginagawa kundi truth-tagging.

Samantala, kinuwestiyon ng Commission on Appointments o CA sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang legalidad ng posisyon ni Southern Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade.

Ito ang laman ng diskusyon nang isagawa ang nominasyon ni AFP Chief of Staff Cirilito Sobejana sa CA bilang star general.

Maliban sa posisyon bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC, natanong din ng panel ang hayagang pronouncement at umano’y red-tagging ni Parlade bilang tagapagsalita ng Anti-Communist Task Force.

Ayon kay Sobejana, suportado ng AFP ang mga inilabas na statement ni Parlade bilang hepe ng SolCom.

Gayunman nilinaw ng opisyal na pinagsabihan na rin nito si Parlade na maging maingat sa mga bibitawang salita bilang tagapagsalita ng ELCAC.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.