TINIYAK ng Malakanyang na ipagpapatuloy ng administrasyong Duterte ang pagtugon sa matagal nang isinusulong ng mga magsasaka at indigenous peoples (IPs) para sa Genuine Agrarian Reform.
Ang pahayag ay kasunod ng panawagan ni labor leader at presidential candidate Ka Leody De Guzman sa pamahalaan na tugunan ang isyu ng land grabbing na nagresulta ng mass exodus ng IPs mula sa kanilang ancestral lands.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, nananatiling committed si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagbibigay ng totohanang reporma sa lupa sa bansa.
Nagbahagi naman si Andanar ng datos kaugnay ng naipamahagi ng Duterte Administration.
229,289 ektarya ng agricultural lands ang naipamahagi mula 2016 hanggang May 2021 kung saan 166,217 ang agrarian reform beneficiaries.
Nakapaglabas din ang gobyerno ng 57 Certificates of Ancestral Domain Titles (CADTs).
Sakop nito ang 993,345.17 ektarya ng ancestral domains at 257,047 IPs ang nakinabang mula 2016 hanggang Hunyo 2021.
Kaugnay nito, muling nagbigay-garantiya ang Palasyo sa mamamayang Pilipino na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagkakaloob ng lupa sa landless farmers hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.