AYON kay Batangas Gov. Hermilando Mandanas ang pagpapatupad ng Mandanas Ruling malaking epekto sa pag-unlad ng bansa.
Sa taong ito, mas malaki ang pondong makukuha ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng national budget na umabot sa mahigit P5-T.
Ang pagtaas ng pondo sa mga local government unit (LGUs) ay dahil sa Mandanas Ruling ng Korte Suprema na itinulak ni Gov. Hermilando Mandanas.
Nakapaloob sa 2024 national budget ang mga probisyon para sa epektibong pagpapatupad ng Mandanas Ruling na titiyak na mayroong sapat na pondo ang mga LGU.
Sa isang pulong balitaan araw ng Huwebes, inihayag ng dati ring congressman na noon pa man ay hindi na ibinibigay sa mga lokal na pamahalaan ang pondo na dapat ay para sa kanila.
Kahit malinaw sa Konstitusyon at nakasaad sa final and executory ruling ng Korte Suprema na hindi maaaring bawasan ang pondo ng mga LGU.
“Nung una akong naging governor nakita ko na kaagad na ang national government hindi ibinibigay lahat na dapat makuha ng mga local government. Nag-iisyu sila ng mga circulars mga memorandum so ‘yun kaagad sabi ko ipaglaban natin.”
“Ano ang naging problema simple lang, ibinigay ang lahat ng responsibilidad, hindi ibinigay ang lahat ng pondo ‘yun lang, sabi lang ng Supreme Court ibigay ang pondo, tapos na,” ayon kay Gov. Hermilando Mandanas, Batangas Province.
Ang Mandanas Ruling ay mula sa isang petisyon na inihain sa Korte Suprema na kung saan natukoy na hindi lang dapat sa internal revenue allotment (IRA) nanggagaling ang pondo ng mga LGU kundi may bahagi ring dapat matanggap mula sa kita ng national government.
“Simula January 1992 hindi na ibinibigay lahat kasi ang basehan dapat na kung ang tawagin ay national internal revenue taxes ang ating taxes maraming klase but 80% of all national taxes are called national internal revenue taxes.”
“Pero ang ginagawa ng national government, hindi isinasamang lahat ang hindi naisasama from 20 to 25 percent kaya hirap na hirap. Governor ako, kaya alam ko,” dagdag ni Mandanas.
Ayon sa gobernador, ito’y technical malversation dahil malinaw naman aniya ang nakasaad sa batas.
“Dahil napakaliwanag bakit nanalo eh maliwanag naman sa batas na ito ang basehan, maliwanag din kung ano ‘yung percentage so inaamin naman nila eh na talagang gusto lamang bawasan, sabi ko yan technical malversation ang tawag jan,” wika ni Mandanas.
Dagdag pa nito na hindi na aniya dapat idaan sa Kongreso ang pondo na para sa mga LGU.
“Nakalagay din dun sa Constitution should released automatically. Ibig-sabihin dun, hindi na kailangan dumaan sa Congress, automatic hindi na kailangan eh appropriate”.
“Pag inapropriate mo ‘yan eh papaano kung mali ang computation, ibig sabihin hindi mo ibinigay? Eh ang nakalagay dun sa Constitution automatic release,” aniya.
Paliwanag ng gobernador na kung naibibigay lang ng national government ang pondo na sapat at dapat ay sa kanila, mas mabilis nila na maipatutupad ang mga programa na mapakikinabangan ng kanilang mga nasasakupan at higit sa lahat hindi napupunta sa kahit na sino ang pera ng taong-bayan.
“Sa tingin ko, it’s really necessary so that our country would really develop para inclusive. Hindi ‘yung ang nakikinabang lang eh ‘yung mga contractor, kailangan talaga malapit deretso sa tao at mabilis magagawa lang ‘yun ‘pag talagang makatarungan at legal na kabahagi ng local government ay ibinigay sa mga LGU para mas madali at mas madaling makikita ng tao ang pagamit ng pananalapi ng bayan,” saad ni Mandanas.
Sa ngayon ay umaasa si Mandanas na tutuparin ng kasalukuyang administrasyon ang ipinangako nito noong nangangampanya pa lamang ito na ipatutupad ang Mandanas Ruling.
Sa huli, nilinaw ng dating mambabatas na wala itong ibang pinapanigan at sinusuportahan kundi tanging ang pagpapatupad lang kung ano ang nakasaad sa batas.
“Ang ating gustong suportahan ay ang batas hindi naman si Governor Dodo Mandanas. Ang gusto nating suportahan ‘yung batas, sapagkat ‘yung batas ito ang nakakatulong sa lahat,” aniya.
Hulyo ng taong 2018 nang magdesisyon ang Korte Suprema pabor sa hiling ni Mandanas at muling iginiit ng Korte Suprema ang kanilang desisyon noong Abril 2019.