PATULOY na tututukan ng Department of Education (DEpEd) ang pagpaunlad ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas kasunod ng mababang scores ng mga estudyanteng Pinoy sa math, science, at reading comprehension sa Programme for International Student Assessment (PISA) 2022.
Ito ang pangalawang pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa pagsusulit ng PISA.
Batay sa resulta, kapwa nasa ika-76 ang Pilipinas sa 81 bansa sa math at reading comprehension.
Nakakuha ng 355 puntos ang bansa sa math na mas mababa sa 472 average points ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD).
Nakakuha naman ito ng 347 puntos sa reading comprehension na mas mababa rin sa 476 average na marka.
Sa larangan ng science, nasa ika-79 sa 81 bansa ang Pilipinas.
Nakakuha ng 356 puntos ang mga estudyanteng Pinoy na mas mababa sa average na 485 puntos sa science.
Kasunod ng PISA results, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na sinisimulan na ng DepEd ang ilang mga reporma para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
“We have introduced the MATATAG Curriculum, implemented the national reading, math, and science programs, initiated the Catch-up Fridays for learners and teachers, expanded the teacher career progression, pushed for transparent educational programs and practices, and started digitalization among our schools,” saad ni Vice President Sara Duterte, Secretary, Department of Education.
Tututukan din ng DepEd ang iba pang factors na nakaapekto sa pag-aaral ng mga bata tulad ng food insecurity, bullying, kakulangan ng mga learning material, at ang papel ng mga magulang sa pag-aaral ng mga bata.
Pero paliwanag ng ahensya na hindi kaagad makikita ang impact ng mga nasabing programa at reporma.
“Reforms really take time. So it’s not something na we put example, the national recovery program now and next year we will see kaagad ng improvement. It really takes time. Hindi natin pwedeng madaliin ‘yung reforms although hindi rin kami nagpapahinga. Sa pagsasagawa ng mga programa,” ayon kay Usec. Michael Poa, Department of Education.
Kasabay rito ay nanawagan si VP Sara ng patuloy na suporta mula sa iba’t ibang stakeholders.
“To our education partners and stakeholders, together, we will find ways to perform better despite the limited resources. Other educational systems have done it, and so can we. With your help, we aim to ensure equitable access to learning resources, especially for our vulnerable and disadvantaged children,” dagdag ni VP Duterte.
Learning recovery program ng DepEd, dapat buhusan ng bilyun-bilyong pondo—Sen. Gatchalian
Binigyang-diin naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na buhusan ng bilyun-bilyong pondo ang learning recovery program ng DepEd.
Sabi ni Gatchalian na kung paano ang naging tugon ng gobyerno laban sa COVID-19 pandemic at pagpondo nito noon ay ganoon din dapat sa learning recovery.
“Naumpisahan na ito ng DepEd. Pero ang aking proposal buhusan pa ng pondo para ‘yung ating mga eskwelahan kaya nilang gawin ito ng maramihan. Dahil limitado ang pondo ng mga eskwelahan limitado rin ‘yung batang natuturuan,” wika ni Senator Sherwin Gatchalian, Chairperson, Senate Committee on Basic Education.
“Estimate namin about 10 billion. Mas marami tayong batang maturuang magbasa o magbilang,” dagdag ni Sen. Gatchalian.
Susubukan umano ni Gatchalian na kumbinsihin ang mga kapwa mambabatas sa bicam deliberations ng 2024 national budget para dagdagan ang pondo ng DepEd para sa learning recovery programs nito.
Sakaling mabigo, imumungkahi ng senador na kumuha mula sa aprubadong contingency funds ng Office of the President.
Pagsisi kay VP Duerte sa mababang resulta ng Pilipinas sa PISA, hindi tama— Sen. Gatchalian
Sinabi naman ni Gatchalian na hindi dapat sisihin si Vice President Duterte sa 2022 PISA results.
Kasunod ito ng panawagan ng ilang indibidwal na bumitiw sa pagiging Education secretary ang pangalawang pangulo.
“Hindi tama ‘yung pagsisi nila kay Vice President Sara dahil ‘yung pandemic hindi naman natin kontrolado iyan,” ani Gatchalian.