“MINADALI sa Kamara.” Ito ang tugon ni Dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo matapos maipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara kamakailan ang panukalang batas para sa revocation ng prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Sinabi ni Panelo, bagamat naipasa na sa Kamara ang naturang panukala ay kailangan pa itong talakayin sa Senado at saka ipadadala sa Office of the President para lagdaan upang maging ganap na batas.
Una namang sinabi ni Sen. Grace Poe na siyang chairperson ng Senate Committee on Public Service na wala sa prayoridad ngayon ng Senado ang pagtalakay sa franchise bill.
Dagdag pa ni Poe, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na may ganitong sitwasyon na pagbawi ng prangkisa ng isang media network ay kailangan itong pag-aralang maigi at siyasatin.
Kung maalala, nagsimulang imbestigahan ng komite sa kamara ang SMNI noong Nobyembre ng nakaraang taon matapos tanungin ng dalawang anchor ng istasyon kung totoo ba ang P1.8-B travel fund ni House Speaker Martin Romualdez.