SUPORTADO ng mga senador ang panukalang Tatak Pinoy Act ni Senator Sonny Angara na naglalayong mas mapalago ang ekonomiya, mapataas ang kita ng mga Pilipino at maibsan ang matinding kahirapan sa bansa.
Matapos ang mga masusing pag-uusisa ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa interpelasyon ng Tatak Pinoy Bill, agad na sumailalim sa amendments ang naturang panukala.
Sa kaniyang pagdepensa sa Senate Bill 2426 (Tatak Pinoy Act), sinabi ni Angara na iminamandato ng panukala ang koordinasyon at pagtutulungan ng gobyerno at ng pribadong sektor upang masigurong matupad ang nilalayon ng Tatak Pinoy Act na maibilang ang Pilipinas sa mga bansang patuloy sa pag-unlad at may malalakas na ekonomiya.
Inihalimbawa rito ni Angara ang pinagdaanan ng bansang Taiwan, kung saan sa loob ng ilang dekada, ayon sa senador, ay nakilala sa reputasyong gumagawa ng mababang kalidad na produkto.
Gayunman, matapos pagsikapin ng gobyerno at ng pribadong sektor na iangat ang kalidad ng kanilang mga produkto at pasukin ang produksiyon ng mga complex products, nagawa ng Taiwan na umangat at ngayon ay isa na sa pinakamalalaking manufacturer ng high-tech goods sa buong mundo.
“Dapat, nagkakaisa tayo rito para masigurong mapalalakas natin ang produksyon ng ating higher-value products. Kahit kulang tayo sa resources, maraming posibilidad kung paano nating maiaangat ang mga produktong sa tingin natin ay may laban sa pandaigdigang kompetisyon,” ayon sa senador.
Isa pa, ayon kay Angara, kailangan ding siguruhin na hindi mahihinto ang produksiyon ng mga produktong ito upang matiyak na tuluy-tuloy ang suplay nito sa pandaigdigang pamilihan.
Matutupad lamang ito aniya kung solido ang tulungan sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor.
Sa interpelasyon ni Senador Pimentel, hiningi nito ang paglilinaw sa magiging papel ng Tatak Pinoy Council (TPC) at kung wala bang duplikasyon ang trabaho nito sa iba pang mga tanggapan.
Ang TPC, ayon sa panukala ay magsisilbing policy at advisory body na ang tungkulin ay bumuo ng mga polisiya at programa na tutukoy sa productive capabilities ng mga lokal na kompanya at mapataas ang economic complexity ng bansa.
Ang ipinagkaiba ng TPC sa iba pang samahan tulad ng Creatives Industry Development Council o sa Innovation Council ay naka-focus ito sa kung paanong mas malilinang ang mga produktong Pinoy ay maging kapatas ng global products.
Kalaunan, matapos ang kaniyang interpelasyon, tiniyak ni Sen. Pimentel ang pagsuporta sa panukalang batas na isinusulong ni Angara. Aniya, kumbinsido siya sa kahalagahan ng pagpasa ng naturang panukala.
Bagaman sumasailalim pa sa period of amendments ang Tatak Pinoy Bill, posibleng lumusot ito sa pangatlo at pinal na pagbasa sa plenaryo ng Senado.