Pagpili sa susunod na DOH chief, dadaan sa butas ng karayom – Malakanyang

Pagpili sa susunod na DOH chief, dadaan sa butas ng karayom – Malakanyang

BINIGYANG-diin ng Malakanyang na kailangang dumaan sa butas ng karayom ang pagpili ng susunod na magiging kalihim ng Department of Health (DOH).

Paliwanag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, napakahalaga ng posisyon sa naturang ahensiya lalo’t ito ang nangunguna sa pangangasiwa sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Kaya kailangan aniya na dumaan sa butas ng karayom ang pagpili ng susunod na Secretary of Health.

“Well, ang sinasabi lang namin is, dumadaan sa matinding pagsusuri. Wala tayong sinasabing nahihirapan or anything like that but because these are important, precisely because these are very important positions, kailangang dumaan talaga sa butas ng karayom,” pahayag ni Angeles.

Magugunitang isang grupo ng private hospitals ang nagrekomenda sa government adviser na si Dr. Ted Herbosa bilang susunod na DOH secretary.

Sa kabilang dako, nabanggit ni Angeles na walang magiging pagbabago sa polisiya pagdating sa COVID-19 response ng bansa habang wala pang itinalagang bagong kalihim ng DOH.

Partikular sa nabanggit na polisiyang ito ang binuong Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Kasama na rito ang COVID-19 Alert Level System.

Kung matatandaan, nagkaroon ng mga panawagan ang ilang senador na buwagin na ang IATF-EID sa kasagsagan noon ng pagtaas ng kaso ng coronavirus.

“Well, status quo tayo ngayon. So, iyon lang po iyong tugon natin. We’ll just continue with the current operational set-up and then we will see what the recommendation of the new DOH Secretary will be,” ani Angeles.

Sa panig naman ng DOH, wala pang binanggit ang kagawaran na kanilang magiging Officer in Charge (OIC).

Una nang sinabi ni dating Health Undersecretary Myrna Cabotaje na si DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire ay isa sa mga opisyal na mananatili sa ahensiya sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Si Usec. Vergeire, ay isang Career Executive Service Officer (CESO) II, na siya ring head ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Samantala, inaasahan ngayong araw na magkakaroon ng kauna-unahang Cabinet meeting si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malakanyang sa isang close-in meeting.

 

Follow SMNI News on Twitter