Pagpirma ni DA Sec. Laurel sa Food Security Emergency, hindi natuloy

Pagpirma ni DA Sec. Laurel sa Food Security Emergency, hindi natuloy

HINDI natuloy ang dapat sana’y deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) na ‘food security emergency’ araw ng Miyerkules.

Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng nasabing tanggapan sa isang media briefing.

Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, hindi pa nila natatanggap hanggang ngayon ang kopya ng inaprubahang resolusyon ng National Price Coordinating Council (NPCC).

“We were advised na umiikot pa rin sa mga member agencies ‘yung resolution, though it is already approved. So, umiikot lang kasi maraming member agencies ang NPCC, so we are still awaiting for the signed copy nung approved resolution,” ayon kay Asec. Arnel De Mesa.

Dagdag ni De Mesa, kung natanggap lang daw ng DA ang nasabing dokumento nitong Lunes at isinailalim agad sa review, ay maaari na sanang magdeklara ng food security emergency si DA Sec. Laurel noong Miyerkules, Enero 22.

“Kung ma-release ‘yun this week, sa tingin namin ay kaya pa ‘yun February 1. But, definitely there will be adjustments later on,” saad ni De Mesa.

Matatandaan, inaprubahan ng NPCC ang resolusyon upang irekomenda sa DA ang pag-deklara ng food security emergency dahil sa patuloy na pagsirit sa presyo ng bilihin, partikular sa bigas.

Sa oras na makapag-deklara ang DA, ay ibebenta ng National Food Authority (NFA) sa mga lokal na pamahalaan ang 300,000 na sako ng lumang suplay ng bigas.

Ibebenta ito ng NFA sa mga LGU sa halagang P33 kada kilo na maaaring ibenta ng mga LGU sa kanilang nasasakupan sa halagang P38 kada kilo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter