HANDA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sundin ang mandato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na protektahan ang soberanya ng bansa.
Ito ang tiniyak ni AFP chief of staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro sa kanyang unang command conference sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos noong Hulyo 25, binigyang-diin nito na kahit isang pulgadang kuwadrado ng teritoryo ng bansa ay hindi niya isuko sa anumang dayuhang bansa.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, maraming pamamaraan o instruments of national power ang maaaring magamit ng Pangulo para sa layuning ito.
Pero kailangan aniya na maingat na gawin ang nasabing estratehiya.
Samantala, tinalakay din sa command conference ang pagpapaigting sa kampanya laban sa communist insurgency.