Pagragasa ng lahar, posibleng maulit kung magpapatuloy ang pag-ulan sa Albay—PHIVOLCS

Pagragasa ng lahar, posibleng maulit kung magpapatuloy ang pag-ulan sa Albay—PHIVOLCS

POSIBLENG maulit kung magpapatuloy ang pag-ulan sa Albay ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagragasa ng lahar.

Patuloy pa ring nakaalerto ang PHIVOLCS sa ipinapakitang abnormalidad ng Bulkang Mayon.

Marami ang namatay, nawasak na tirahan at nawalan ng hanapbuhay dahil sa pag-agos ng lahar noong 2006 dahil sa pagputok ng Bulkang Mayon sa probinsya ng Albay.

At ngayong nagpapatuloy ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon ay pinangangambahan muli ang pag-agos ng lahar kung magtuluy-tuloy ang pag-uulan sa nasabing lalawigan.

Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na hindi imposible na maulit ang pagragasa ng lahar gaya noong nakalipas na mga taon.

“Puwede, kung sunod-sunod na malalakas na ulan, o pag-ulan puwedeng magka-lahar.”

“Sa kalusugan ng tao, wala. Pero, ‘yung bahay mo matatabunan. Noong 2006, sa November noon may bagyo, marami ang namatay, mga 1,200,” ayon kay Dir. Teresito Bacolcol, DOST-PHIVOLCS.

Gayunpaman, nananatili pa ring nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa  kasabay ng patuloy na pagdaloy ng lava na may habang 2.5 kilometro sa Mii-Si Gully.

At 1.8 kilometro naman sa Bonga Gully at pagguho ng lava hanggang 3.3 kilometro mula sa crater.

Pero, posible umano na umabot sa paanan ng bulkan ang lava sa oras tumindi ang aktibidad ng Bulkang Mayon.

“Posibleng, magtuloy-tuloy ang, so far it’s 2.5 kilometers from the crater kapag tuluy-tuloy ‘yun puwede po mag breach ‘yung 6 kilometers permanent danger zone pero sana hindi naman kasi mabagal naman ang pag-agos ng lava flow,” pahayag Dir. Teresito Bacolcol, DOST-PHIVOLCS.

Naitala rin ang dalawang volcanic earthquake at 299 rockfall events at pitong dome collapse pyroclastic density current eventa o “uson” sa nakalipas na 24 oras.

Sinabi pa ni Bacolcol, maihahalintulad sa nangyaring “extrusive slow eruption” noong 2014 ang ipinapakitang aktibidad ngayon ng Bulkan.

“’Yung ipinapakita niya ngayon ay nagre-reflect doon sa pinapakita noong 2014 all through out the 2014 from August 2014 to November 2014. Nagkaroon po ng lava flow and then huminto, so sana ganito ‘yung ipapakita niya, sana hindi na magbabago ang mga parameter na nakikita natin so far para all throughout ay extrusive eruption lamang,” dagdag ni Bacolcol.

Pero, nakaalerto naman ang PHIVOLCS at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga maaaring mangyari sa pag-aalboroto ng bulkan.

Tulad ng pagguho ng mga bato, lava, uson, katamtamang pagputok, at pag-agos ng lahar dahil sa matinding pag-ulan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter