ARAW ng Huwebes ay nag-umpisa na ang taunang pagpupulong para Asia Pacific Parliaments Forum (APPF) na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Kabilang sa mga dumalo rito bilang kinatawan ay ang mga mambabatas mula bansang Australia, Brunei, Cambodia, Canada, Chile, China, Indonesia, Japan, South Korea, Lao, Malaysia, Mexico, Micronesia, Papua New Guinea, Peru, Rusia, Thailand, at Vietnam.
Ang nasabing event, na pinangunahan mismo ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri at House Speaker Martin Romualdez bilang punong abala, ay inaasahang sesentro sa kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, kalusugan, at iba pang magkakaparehong problema sa rehiyon.
“All the participating parliaments have submitted their resolutions on political matters, economic and trade matters with due cooperations. We will be discussing this heavily on the plenary and working groups in the next 3 days,” ayon kay Sen. Migz Zubiri.
Sa unang araw, hindi naiwasan na mabuksan ang isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo sa karagatan.
Bagama’t hindi partikular na nabanggit ang isyu sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea (SCS) ay pinakamaraming bilang ng resolusyon na naisumite na umabot sa 10 ay may kinalaman sa pagsusulong sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Sa resolusyon ng Indonesia ay iginiit nito ang pagrespeto sa UNCLOS— ang isyu na may malinaw na ‘di pagkakaunawaan ang Pilipinas at China na parehong miyembro ng APPF.
Bukod sa Indonesia ay mayroon pang apat na bansa na nagsumite rin ng resolusyon na may parehong intensiyon ayon kay Zubiri.
Zubiri, iginiit ang pagkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa maritime safety
Kaugnay rito, sa kabila ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas, China at iba pang karatig na miyembrong bansa ay umaasa si Zubiri na bago matapos ang APPF ay magkakaroon ng consensus kaugnay rito.
Paliwanag ni Zubiri na sa kabila ng alitan kaugnay sa maritime safety ay mahalaga na magkaroon ng dayalogo ang mga bansa para maayos na maresolba ang isyu.
“We are very happy that China came with a very big delegation. Even the president have met with the president of China in the APEC with the Speaker. So dialogue should always be there on how we could come up with a common stand on how we will treat one another in the West Philippine Sea, South China Sea issue,” dagdag ni Sen. Zubiri.
Relasyon sa pagitan ng PH at China hindi lamang nakatali sa WPS—Speaker Romualdez
Para naman kay House Speaker Martin Romualdez, ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi lamang dapat nakatali sa iisang isyu.
Importante aniya na sa APPF ay matutukan din ang ibang aspeto na parehong inaasahan na makakabenepisyo sa dalawang bansa.
“There are other issues that involves China. There are trade, financial engagements, sports. There are other facets for the relationship we like to build upon. As the president said lay not one issue define the total relationship with China or any other country…. Deeper understanding with one another,” ayon kay Rep. Ferdinand Martin Romualdez.
Ang APPF ay inaasahang matatapos sa araw ng Sabado.