IKINATUWA nina presidential aspirant Senator Ping Lacson at vice presidential aspirant Senate President Tito Sotto III ang pagpapa-drug test na rin ng iba pang presidential and vice presidential aspirants.
Matatandaan na ang Lacson-Sotto tandem ang unang sumabak sa voluntary drug test pagkatapos ang blind item ni Pangulong Rodrigo Duterte na may kandidato na gumagamit ng cocaine.
Nagpa-test ang dalawa sa mismong tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) gamit ang kanilang urine noong nakaraang Lunes, November 22.
“Mabuti naman sumunod ‘yong iba,” ani Sotto.
“It’s the way to go dahil nga merong challenge. At tska maski na walang challenge o pinatungkulanan ang pangulo tungkol sa isang kandidato na gumagamit ng iligal na drogra, mas mainam na rin talagang to show the way,” saad ni Lacson.
Dagdag ng dalawang opisyal, naging transparent ang buong proseso ng kanilang drug test.
“Ni hindi nga pinasarhan ‘yung pintuan ng kubeta noong kami ay kumuha ng sample. Every step of the way supervised (kami) para malinaw talaga at transparent,” ani Lacson.
“Ang daming tinatanong pati drugs na iniinom mo, pati mga maintenance mo kailangang ilista mo dahil makikita nila lahat yun doon. Matindi multi-drug immunometric assay test,” giit ni Sotto.
Sumunod naman sa nagpatest ay ang iba pang presidential candidate na sila dating Senador Bongbong Marcos at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Si Senator Manny Pacquiao ay naglabas din ng drug test results na kinuha noon lang buwan ng Hulyo at Setyembre.
Sa mga vice presidential aspirants ay sumama rin sa drug test challenge sila Davao City Mayor Inday Sara Duterte at Doctor Willie Ong.
Lahat sila negatibo ang resulta.
Pero napag-alaman na may mga aspirant na sa isang pribadong ospital lamang nagpakuha ng drug test katulad ni BBM.
Si Sotto sinabi na ang pinaka-reliable na test results ay yaong mismong galing sa PDEA.
“Noong ginawa namin iyon, siniguro ko na unquestionable yung sistemang ginamit namin. At ang questionable is pumunta ka lang basta-basta sa drug testing center o kung saang clinic. Hindi reliable yan,”aniya.
Dagdag ni Sotto ipapaubaya na nila sa mga awtoridad kung ipapasabak muli ang mga kandidatong hindi sa PDEA nagpa-drug test.
“We leave it up to them. Basta the people know, especially those in the authority katulad ng PDEA at tsaka ng PNP at NBI. Alam nila kung alin ang tama,” giit ng opisyal.