DINIPENSAHAN ni Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang pagsama ni House Speaker Martin Romualdez sa World Economic Forum (WEF) trip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan sa Davos Switzerland.
Sa kabila ito ng puna ng mga kritiko dahil sa malaking entourage o bilang ng mga kasama sa nagdaang business trip ng Pangulo.
Ayon kay Gonzales, mahalaga ang presensya ni Romualdez doon dahil agarang mabibigyang tugon ang legislative concerns ng mga investor na kaharap ng Pangulo.
Halimbawa aniya kung sabihin ng potential investor na hindi maganda ang mga batas sa bansa dahil balakid ito sa pagnenegosyo, ay agad na makare-responde ang lehislatura dahil sa presensya ng mga senador at kongresista sa delegasyon.
“Let’s say you talk to a potential investor, and they will say ‘your laws are not good, it hampers our business, and it’s not a good law, et cetera, et cetera.’ So at least we have the legislators here who can say: ‘Well, we can do something about it or no, that is important to us that we maintain it, et cetera, et cetera,” ani Gonzales.
Diin pa ng beteranong mambabatas, whole-of-government at whole-of-nation approach ang tahak ng Marcos administration sa pagresolba sa mga problema ng bansa kaya hindi na dapat ipagtaka kung may mga mambabatas mang kasali sa delegasyon.
At patunay lamang ito ani Gonzales na matibay ang kooperasyon at tulungan ng executive at legislative branch ng pamahalaan.