MARIING tinutulan ng Department of National Defense (DND) ang panukalang batas na isinusulong ngayon sa Kamara para sa pagsasabatas ng UP-DND Accord.
Sa ilalim ng kasunduan, kailangang ipaalam ng mga awtoridad sa mga pinuno ng UP bago sila manghuli, magsagawa ng raid o pumasok man lang sa loob ng campus, maliban na lang sa ilang sitwasyon gaya ng pagtugis sa isang tumatakas na suspek.
Hindi rin dapat makialam ang mga awtoridad sa kilos-protesta sa loob ng UP.
Pero ayon sa DND, ang UP-DND Accord ay nakakaapekto sa ilang prosesong nasa ilalim ng batas, partikular ang pag-iisyu ng warrants.
Diin din pa ni Atty. Norman Daanoy, Legal and Legislative Affairs Chief ng DND, matagal nang tutol ang gobyerno sa nasabing kasunduan.
Sa kabila ng pagtutol ng DND ay pinagtibay sa House Committee on Higher and Technical Education ang Substitute Bill ng panukala na layong isabatas ang UP-DND Accord.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Atty. Ted Te, na kumakatawan kay UP President Danilo Concepcion, na suportado nila ang panukala upang maisulong ang interes at proteksyon ng komunidad, mga guro at estudyante ng UP.
Nagpahayag sina Deputy Speaker Rufus Rodriguez at Higher and Technical Education Committee Chair Mark Go, na wala silang nakikitang problema sa probisyon kung saan kailangan pang magbigay ng notification sa organisasyon bago ang pagsisilbi ng warrant.
Nakapaloob din sa Substitute Bill na papatawan ng administrative sanction ang sinoman sa partido na lumabag sa kasunduan.
Maalala na winakasan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang 1989 UP-DND Accord, na nagbabawal sa mga sundalo at pulis na pumasok sa campus ng University of the Philippines (UP).
(BASAHIN: Planong pagsasabatas ng UP-DND Accord, pinanawagang huwag suportahan)