IKINATUWA ni Speaker Martin Romualdez ang paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund (MIF) Act na dagdag sa maaaring pagkunan ng pondo para sa mga itatayong imprastraktura nang hindi kakailanganing magtaas ng buwis o mangutang.
Sinaksihan ni Speaker Romualdez, isa sa pangunahing may-akda ng MIF sa Kamara, ang paglagda ng Pangulo sa bagong batas sa Malacañang.
Saad ng lider ng Kamara, magpapaluwag sa fiscal space ng bansa ang bagong batas na tiyak makatutulong sa paglulunsad ng mga proyekto.
“As an additional vehicle for financing, the MIF is expected to widen the fiscal space in the near-to medium-term as it reduces heavy reliance on local funds and development assistance as the main financing mechanisms for infrastructure projects,” saad ng lider ng Kamara.
Diin pa ng House Speaker na ang mga international investor gaya ng Japan Bank for International Cooperation (JBIC) at ilang kompanyang nakabase sa Amerika ay nagpahayag na ng interes sa MIF.
Kumpiyansa si Speaker Romualdez na ang MIF Law ay magiging isa sa landmark legislation ng 19th Congress.