SA Comembo Sports Complex, Barangay Comembo, isinagawa ang isang pagsasanay para sa halos 100 Estero Rangers mula sa apat na cluster ng lungsod.
Kasama rin dito ang mga kawani mula sa Metropolitan Environmental Office – South at mga opisyal ng barangay.
Ang pagsasanay ay may temang “Understanding Environmental Crimes and Offenders,” na naglalayong palalimin ang kaalaman ng mga Rangers sa mga batas pangkalikasan tulad ng Republic Act 9003 (Ecological Solid Waste Management Act), RA 9275 (Philippine Clean Water Act), RA 8749 (Philippine Clean Air Act), at RA 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act).
Binuksan ang programa ni Punong Barangay Jonav Navalta, na pinasalamatan ang mga Rangers bilang mga frontliners sa pangangalaga ng kalikasan. Pinangunahan naman ni Lara Maie Ramos-Escalante, Special Investigator I ng MEO-South Enforcement Unit, ang presentasyon ukol sa pag-unawa sa mga krimen sa kapaligiran, teknik sa pagmamanman, pagkuha ng ebidensya, at pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya.
Nagkaroon ng masiglang talakayan at pagbabahagi ng karanasan ang mga Rangers, na nagpatibay sa kanilang dedikasyon bilang tagapangalaga ng mga daluyan ng tubig at kalikasan.
Ang pagsasanay ay konkretong hakbang ng DENR MEO South upang suportahan ang mga Estero Rangers sa kanilang mahalagang tungkulin, at makapaglingkod nang mas mabuti para sa kapaligiran at mamamayan.
This article has been sourced from the DENR National Capital Region Facebook Page.