Pagsasanib-pwersa ng TV5 at ABS-CBN, bubusisiin ng Philippine Competition Commission sa posibleng masamang epekto

Pagsasanib-pwersa ng TV5 at ABS-CBN, bubusisiin ng Philippine Competition Commission sa posibleng masamang epekto

NAIS suriin ng Philippine Competition Commission ang mga masasamang epekto ng pagsasanib pwersa ng TV5 at ABS-CBN.

Marso 2020 nang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN at nasundan ang dagok ng network nang ibasura ng Kongreso ang kanilang aplikasyon para makakuha ng panibagong prangkisa.

Pero nakakuha ng deal ang ABS-CBN sa Zoey Broadcasting Network para makabalik sila sa free TV gamit ang Channel 11.

Kaya naging A2Z Channel 11 ang dating Zoey.

Pero ngayon, magsasanib pwersa ang ABS-CBN at TV5 ni Manny Pangilinan.

Ayon kay Pangilinan, malapit nang mabuo ang deal nila sa ABS-CBN.

 “We have been having discussions with them for over a year. But it is fair to characterize it as we’re in the closing stages,” pahayag ni Pangilinan.

Ngunit ayon sa Philippine Competition Commission, dapat munang matiyak na walang masamang epekto ang pagsasama ng dalawang TV Network.

“Sa ilalim ng batas, sa Philippine Competition Act, yung mga malalaking merger na ganito normally ay kailangang inotify sa ating komisyon para ating ma-review. Ma-review para makita ano bang epekto nito sa merkado at saka sa ating mga consumers,” pahayag ni Philippine Competition Commission OIC Chairperson Atty. Johannes R. Bernabe.

Saad ni Bernabe, may motu proprio powers ang PCC para siyasatin ang anumang deal na gagawin lalo pa’t dalawang naglalakihang network ang involve sa kasunduan.

“Maari niyang buksan ang transaksyon at reviewhin ito dahil nga baka merong epekto. Anong mga epektong pag-aaralan. Maaaring tataas ang presyo doon sa mga advertisers na nagpapalabas ng commercial sa kanilang programa. Maaaring ang mga konsumers ay malilimitahan ang mapipili nilang choices so far as both content and yung TV provider mismo yung tv channel mismo,” ayon kay Bernabe.

Kaya giit ng PCC, dapat magkaroon ng due diligence sa kasunduan ng ABS-CBN at TV5 upang masiguro na walang malalabag na antitrust law.

At kung may masilip na iregularidad, pwede raw ipahinto ng PCC ang transaksyon.

“Anong mga options natin? Una, nabanggit mo nga pwedeng ipagbawal, pwedeng i-prohibit yung transaksyon,” ayon kay Bernabe.

Bukod diyan, pwede ring magpataw ng mga kondisyon o remedyo para hayaan na magpatuloy ang transaksyon kaakibat ng masusing pagbabantay ng ahensiya.

Nais matiyak ng PCC na hindi tataas ang advertising cost kung matuloy ang deal.

At kung walang epekto sa merkado at sa mga mamamayan, hindi haharang ang PCC sa joint venture.

Umaasa naman ang PCC na kukunsulta sa kanila ang kampo ng TV5 at ABS-CBN.