Pagsasapribado ng EDSA busway, sisimulan nang iproseso ngayong 2025

Pagsasapribado ng EDSA busway, sisimulan nang iproseso ngayong 2025

BINABALAK ngayon ng pamahalaan ang pagsasapribado ng EDSA busway.

Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, inihahanda na nila ang ‘terms of reference’ para sa pagsasapribado nito.

Magsisimula na aniya ngayong taon ang proseso para sa privatization ng EDSA busway.

‘’Mayroon po tayong consultant na gumagawa ng terms of reference and hopefully po by siguro end of first quarter or start of second quarter ay matatapos na itong terms of reference, ipapa-bid din po natin ito,’’ ayon kay Sec. Jaime Bautista.

Sa ilalim ng privatization, ang pribadong sektor ang magpo-provide ng mga sasakyan at sila rin ang mag-o-operate.

‘’Kasi maganda sana kung isang klaseng bus lang iyong nag-o-operate dito para uniform. And then, iri-require natin dito magkaroon ng electronic—mga schedules diyan,’’ ani Bautista.

Samantala, sisimulan na rin ngayong 2025 ang massive rehabilitation sa EDSA na maituturing na isa sa pinaka-abalang kalye sa kalakhang Maynila.

Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ang proyektong rehabilitasyon ay naglalayon daw na tugunan ang mga matagal nang isyu ng matinding trapik sa EDSA na nagdudulot ng labis na perwisyo sa mga bumabaybay dito.

Umaasa rin si Bonoan na ngayong taon din makukumpleto ang rehabilitasyon sa EDSA.

‘’We will rehabilitate the entire EDSA starting 2025. Kasi sa ngayon, dumaan ka sa EDSA kapag minsan mahihirapan kang mag-text eh sa kakakalbog ng sasakyan. So I think it’s about time that we need to rehabilitate EDSA once and for all,’’ saad nito.

Matatandaang sa datos ng 2023 Tomtom Traffic Index, numero uno sa listahan ng “Worst Traffic in the World” ang Metro Manila.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter