Pagsisimula ng panahon ng tag-init opisyal nang idineklara ng PAGASA

Pagsisimula ng panahon ng tag-init opisyal nang idineklara ng PAGASA

MIYERKULES, Marso 26, 2025—pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng amihan season at ang pagsisimula ng opisyal na “warm and dry season” sa bansa.

Ayon kay DOST-PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis, binabantayan ng ahensiya ang mga lugar na malapit sa karagatan o coastal areas dahil sa mataas na humidity at mas matinding init dito. Kabilang sa mga lugar na ito ang Dagupan City, Pangasinan, Tarlac, at Zambales.

Samantala, ang Tuguegarao City, Cagayan Valley, at Aparri ay posibleng makaranas ng pinakamataas na temperatura sa bansa.

Sa tala ng PAGASA, umabot na sa 46-47 degrees Celsius ang pinakamataas na naitalang heat index ngayong taon sa bahagi ng Tarlac at Pangasinan.

Bagama’t nasa panahon ng “warm and dry season,” nilinaw ng PAGASA na hindi ito nangangahulugan ng kawalan ng ulan. May posibilidad pa rin ng mga pag-ulan lalo na sa mga rehiyong apektado ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at Low Pressure Area (LPA), partikular sa Visayas, Mindanao, at ilang bahagi ng Bicol.

Sa kasalukuyan, may namataang LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa monitoring ng PAGASA, mababa ang posibilidad nitong maging ganap na bagyo ngunit inaasahang magdadala ito ng ulan sa Eastern Visayas, Palawan, at CARAGA simula Huwebes.

PAGASA, may paalala sa publiko ngayong panahon ng tag-init

Ngayong opisyal na ang panahon ng tag-init, muling nagpaalala ang PAGASA sa publiko na mag-ingat laban sa heat-related illnesses at palaging makinig sa abiso ng Department of Health (DOH).

Payo ng ahensiya, uminom ng sapat na dami ng tubig, umiwas sa matinding sikat ng araw lalo na mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon, at gumamit ng proteksyon tulad ng payong, sumbrero, at sunscreen.

Bukod rito, nanawagan din ang PAGASA sa publiko na maging responsable sa paggamit ng kuryente, lalo na sa mataas na demand ngayong tag-init, upang maiwasan ang kakulangan sa suplay ng enerhiya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble