DAPAT tutukan ng Kamara ang pagsugpo sa paglaganap ng krimen sa bansa kaysa pag-aksayahan ng oras ang mga kasalukuyan at dating opisyal na tapat na naglilingkod sa bayan.
Inihayag ito ni Sen. Ronald Dela Rosa at dating hepe ng Philippine National Police (PNP) matapos bumisita sa burol ni Reynaldo Bigno Jr. na binaril at napatay ng isang pulis na umano’y lulong sa droga habang nasa isang pampasaherong bus sa Makilala, Cotabato.
Ani Dela Rosa, ito dapat ang iniimbestigahan ng Kamara para matukoy ang ugat ng tumataas na bilang ng ganitong krimen.
Hindi rin dapat nila ginagamit ang Quad Committee laban sa mga pulis na maayos na gumaganap ng tungkulin tulad ng pag-contempt kay Gen. Wilkins Villanueva.
Binigyang-diin din ni Dela Rosa na naging mas mapangahas ang mga kriminal, kabilang na ang mga tulak ng droga, drug lords, kidnappers, at sindikato dahil sa kawalan ng takot sa awtoridad.