Pagsuko ng pamahalaan kay FPRRD sa ICC hindi makatarungan—OFWs

Pagsuko ng pamahalaan kay FPRRD sa ICC hindi makatarungan—OFWs

BINATIKOS ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang ginawa ng gobyerno na isinuko si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Para kay Belinda, isang OFW sa Canada, hindi makatarungan ang pagsuko kay dating Pangulong Duterte dahil sa mga nagawa nito noong siya ay Presidente pa ng Pilipinas.

Mas makatarungan pa aniya ang ginawa ng dating Pangulo na “War on Drugs” kaysa sa kasalukuyang administrasyon.

“Para sa akin, nangyari na ang nangyari, he did a lot for the country so bakit kailangan siyang parusahan ng ganoon ‘di ba. ‘Yung tungkol sa mga drug addict, I mean masamang pumatay kung masamang pumatay, pero mas maraming mamatay kung hindi niya ginawa iyon,” paliwanag ni Belinda, OFW sa Canada.

Para naman kay Edward, isang seaman, si Duterte ang pinakamahusay na Pangulo dahil sa suporta nito sa mga OFW at Seafarer noong pandemya.

“’Yung pagsuporta sa amin hanggang maihatid kami mula airport, hanggang sa aming bahay, hindi ko po malilimutan iyon, na walang tigil ang supply ng pagkain, tubig sa amin habang inaasikaso kami maihatid mismo sa aming bahay,” pagkukuwento naman ni Edward, Seafarer.

Aniya, kaya ang ginawa umano ng gobyerno sa dating Pangulo ay hindi makatarungan.

“Hindi po makatarungan iyon, sinorpresa, hindi man lang binigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili,” ani Edward.

Ganoon din ang pananaw ni Jose, isang Seafarer, na naapektuhan ng desisyon ng pamahalaan.

Naniniwala siya na malaki ang nagawa ni Duterte sa Cebu sa pagsugpo sa droga.

“Kasi kita nila malaking pagbabago noong siya pa ang nakaupo, katulad ng mga droga. Makikita nyo naman ngayon, maraming nang napatay tulad sa amin sa Cebu, maraming namamatay na pamilya dahil sa droga, kahit sarili nilang pamilya, pinapatay,” pahayag ni Jose, Seafarer.

Para kay Boyet, isang OFW sa Brunei, hindi niya malilimutan ang kapanatagan noong panahon ni Duterte kumpara sa kasalukuyang sitwasyon.

“Parang ilegal po ang kanilang ginawang ganoon, at hindi pa doon, dinala pa sa ibang bansa imbes na dito lang sa Pilipinas,” pahayag naman ni Boyet Quiambao, OFW sa Brunei.

Nagbigay rin ng mensahe ang mga OFW kay Duterte.

“Na maging strong lang siya at malalampasan niya rin ito, still may katarungan pa rin,” mensahe ni Belinda para sa Pangulo.

“Para po kay Tatay Digong, lumaban lang po kayo, lahat ng tao sumusuporta po sa inyo,” mensahe naman ni Jose.

“Pakalakas lang, ingat lang po lagi, God bless po,” mensahe ni Boyet.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter