POSIBLENG ipatupad ng county ng Los Angeles ang mga mandato sa pagsusuot muli ng face mask dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 at mga ospital sa syudad.
Ayon kay LA County Public Health Director Barbara Ferrer, ang pinakamalaking county sa Amerika ay pumalo na sa “medium” level ng transmission ng COVID-19 at kakailanganin na umpisahan ang pagsusuot muli ng mask kung umabot ito sa high category.
Simula noong Disyembre 1, ang LA County ay may average na 2,490 na mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw.
Ipinapakita ng data ng departamento ng kalusugan na ito ang pinakamataas na bilang mula noong Agosto 26.
Mayroong 1,164 na mga residente ang kasalukuyang naospital sa LA dahil sa COVID-19, na siyang pinakamataas na bilang ng mga pasyente na nakita mula noong Agosto.
Ang pang-araw-araw na pagkamatay ay mababa ngayon na may 14 lamang na naiulat, ngunit ang bilang ay maaaring tumaas dahil ang mga pagkamatay na nauugnay sa COVID-19 ay sumusunod pagkaraan ng ilang linggo matapos na magtala ng mga kaso ang mga naoospital.
Sinabi ni Ferrer na ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay at pagiging updated sa mga bakuna at boosters ay malaking tulong upang mabawasan ang mga kaso.