Pagsuspinde sa halalan sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19, posible – DOH

Pagsuspinde sa halalan sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19, posible – DOH

BUKAS ang Department of Health (DOH) sa posibilidad na hindi matuloy ang halalan sa ilang lugar sa bansa sakaling makitaan ng pagsirit ng COVID-19 cases hanggang sa araw ng eleksyon.

“Ngayon, kung ang tanong: Posible bang magkaroon ng postponement? Oo, siyempre! Posible pa rin kung talagang masyadong mataas ang sipa ng mga kaso sa mga piling lugar,” pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III.

Pero, bagama’t may ganitong posibilidad ay babase pa rin ang pamahalaan sa Alert Leveling System.

Halimbawa na lamang kung nag-Alert Level 2, mayroong limitasyon ang dami ng tao sa public places kung saan 50 percent capacity lamang ang pahihintulutan na makapasok kapag indoor.

Kung outdoor naman, puwede hanggang 70% ang capacity na papayagan.

Paliwanag pa ng kalihim, depende pa rin ito sa tatlong panukatan o metrics ng gobyerno para sa pagpapatupad ng alert level system.

“Number one – two-week growth rate. Kung lampas 200%, ibig sabihin high-risk na iyong classification ng isang probinsiya/siyudad/municipality. Pangalawang panukatan ay iyon namang average daily attack rate per hundred thousand population, na kung sumobra ka sa 18 kada araw per hundred thousand population, nasa high-risk ka ‘no. At kung ang iyong healthcare utilization rate – pangatlong metric o panukatan – ay mataas ka sa 74% or 75 until 84%, nasa high-risk ka,” ayon kay Duque.

Ibinahagi ni Duque na mayroong mga paunti-unti lang na one week growth rate na pagtaas sa ilang lugar.

Subalit, hindi pa ito sapat para sabihing kailangan nang magtaas sa Alert Level 2 bagama’t may bahagyang pagtaas ng kaso.

Inihalimbawa pa ng kalihim ang Marinduque kung saan mataas ang kanilang growth rate.

Pero nasa point 35 lamang per 100,000 population ang average daily attack rate at mababa rin ang kanilang healthcare utilization rate kaya maituturing pa rin itong low risk classification.

Samantala, inihayag ng Health secretary na pinag-uusapan pa ng DOH at Commission on Elections (COMELEC) ang polisiya tungkol sa pagboto ng mga quarantined at isolated patients sa darating na halalan sa Mayo.

“Alam ninyo, mayroon pa tayong mga dalawang linggo at kalahati bago ang eleksiyon, so patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH at ang COMELEC para linawin nga itong mga katanungan,” ayon kay Duque.

Pero para kay Duque, hindi dapat payagang bumoto ang mga pasyenteng may sintomas ng COVID-19.

Aniya, magiging salungat ito sa polisiya na matagal nang umiiral sa bansa kung pahihintulutang bumoto ang may COVID symptoms.

Samantala, pinaalalahanan ng DOH ang publiko na agad makipag-ugnayan sa local government units (LGUs) kung sakali mang magkaroon ng sintomas sa mismong voting facilities para agaran ding ma-isolate at ma-test nang sa ganoon hindi na makapanghawa pa ng ibang tao.

Follow SMNI News on Twitter