HINIKAYAT ng City Population and Nutrition Office (CPNO) ng lokal na pamahalaan ng Naga City ang mga magulang na palaging i-monitor ang kanilang mga anak at magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa kanila.
Ito’y matapos maalarma ang lokal na pamahalaan sa pagtaas ng bilang ng pre-teen at adolescent pregnancy sa Naga City.
“Keeping everyone’s communication line open in the family, would help teens to become aware of the facts about preventing an unplanned pregnancy,” ayon kay Joy F. Macaraig, CPNO population program officer IV.
Aniya, ang pagkakaroon ng diskusyon kaugnay sa mabuting pag-uugali ay makatutulong upang mabawasan ang mga pinangambahang bagay na magdudulot sa mga kabataan na magbuntis.
“If parents make it clear that they disapprove of sex during high school, it is possible that their child might be less likely to become sexually active,” ayon kay Macaraig.
Maliban dito, naitala rin ang pagtaas ng mga kaso ng repeat pregnancy sa mga batang magulang sa edad na 13 hanggang 19 taong gulang.
Taong 2018, nakapagrehistro ang Local Civil Registry Office ng 328 kaso ng teen pregnancy at 42 repeat pregnancies habang sa taong 2019 ay naitala ang 368 na kaso ng teen pregnancies at 52 repeat pregnancies.
Ayon pa kay Macaraig, maaaring tumaas pa ang bilang ng mga nasabing kaso dahil may mga hindi pa naibilang sa registry partikular na sa mga nasa liblib na lugar.
Tatlong mahalagang risk factor naman ang itinuring na maaaring nakapagdudulot ng pagkabuntis ng mga kabataan ayon sa isang research site kabilang ang individual risk factor, social risk factor at family risk factor.
Kabilang sa individual risk factors ang pagiging biktima ng sexual abuse, paggamit ng droga at alak, pakikipagtalik sa murang edad, kawalan ng layunin sa buhay, kawalan ng kaalaman kaugnay sa sex and contraception, mababa ang self-esteem, hindi magandang performance sa paaralan.
Kabilang sa social risk factors ang pagkikipag-date sa murang edad, pakikipag-date sa mas nakatatandang edad, mga kaibigan na sexually active, hindi magandang relasyon sa kapwa, peer pressure.
Kabilang sa family risk factors, ang family history ng teenage pregnancies, limitadong komunikasyon sa pagitan ng magulang at anak, negatibong interaksyon sa pamilya, mababang uri ng superbisyon ng magulang, hindi naresolbang away sa pagitan ng miyembro ng pamilya, at single-parent families.