NAIULAT ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na mas mataas ang bilang ng insidente ng bird strike noong 2024 kumpara noong 2023.
Sa datos na inilabas ng ahensiya, mas mataas ang bilang ng mga kaso ng bird strike sa mga international flight noong 2024 na umabot sa 637, kumpara noong 2023 na mayroong 584.
Samantala, 480 ang kaso ng bird strike sa domestic flights noong 2024 at 427 nitong 2023.
Sa kabuuan, umabot sa 1,117 ang bilang ng mga kaso ng bird strike mula sa iba’t ibang paliparan sa Pilipinas nitong nakaraang taon.
Batay sa ulat ng International Airports, 637 ang bilang bird strike noong 2024 at 584 naman noong 2023.
Sa ulat naman ng Domestic Airports, 480 noong 2024 at 427 noong 2023.
Sinabi ni Eric Apolonio, ang tagapagsalita ng CAAP, na nagkakaroon na sila ng seminar para talakayin ang mga kongkretong solusyon sa lumalalang bilang ng mga kaso ng bird strike.
“’Yung mga nag-conduct ng 3 days seminar, lahat ng mga stakeholders, operators, para nga mapag-usapan at malaman kung ano ang dapat gawin. Dahil mga expert naman ang mga speaker natin dito sa nasabing seminar,” pahayag ni Eric Apolonio, Spokesperson, CAAP.
“We have to admit na itong isyu ng bird strike ay dapat talagang pagtuunan ng pansin,” aniya pa.
Sinabi rin ni Apolonio na ang climate change ang malaking factor kung bakit dumarayo ang mga ibon sa Pilipinas mula sa mga ibang bansa.
Ang pagbabago ng panahon sa Pilipinas ay nakakaakit ng migratory birds.
Sa panahon ng taglamig sa Northern Hemisphere, lumilipad ang mga ibon patungo sa Pilipinas para sa mas mainit na klima at mas maraming pagkain.