Pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa ikinababahala

IPINAG-utos sa LGUs at PNP na mahigpit na ipatupad ang health protocols para mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 cases.

Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local government (DILG) sa lahat ng Local Government Units (LGUs) at sa PNP na ipatupad ang crackdown sa mga quarantine violators at paigtingin ang pagpapatupad ng minimum health standards sa lahat ng mga barangay sa bansa.

Ito ay matapos umabot na sa mahigit 3,000 kada araw ang bagong COVID-19 cases sa nakalipas na tatlong araw.

Inatasan ni DILG officer-in-charge Bernardo Florece, Jr. si Joint Task Force Shield Commander Police Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag na dagdagan ang police deployment at mahigpit na ipatupad ang minimum public health standards sa Pasay, Malabon, Navotas, Cebu City at Cebu province kung saan nakapagtala ng pagtaas ng mga kaso nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa DILG- OIC, dapat mahigpit na ipatupad ang pagsusuot ng face masks at face shield at ang physical distancing sa lahat ng LGUs at dapat patawan ng multa ang mga violator batay sa umiiral na mga ordinansa.

Dapat din aniyang ipatupad sa lahat ng establisimyento at work places ang temperature checks at pagsulat sa contact tracing forms, manual man o sa pamamagitan ng Stay Safe App.

Bukod dito, ipinag-utos ni Florece ang deployment ng karagdagang contact tracers sa mga lugar na may mataas na kaso para matulungan ang local contact tracing team na matukoy ang close contacts ng COVID-19 patients at masuri ang mga ito.

Ipinag-utos din nito sa PNP na mahigpit na ipatupad ang umiiral na curfew na ipatupad ng mga LGU sa ilang mga lugar.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.