WALA pang dapat ikabahala ang publiko sa kabila ng naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR), Calabarzon at at iba pang mga lugar sa bansa.
Ito ang inihayag ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David kung saan mababa pa rin aniya ang mga datos kumpara sa nangyari noong covid surge.
Una rito, nagkaroon aniya ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 positivity rate sa NCR sa tala nitong Hunyo 27 na nasa 6% mula sa dating 5.9%.
Ani David, mayroon namang 52% 1-week growth rate habang 342 naman ang 7-day average.
Sa Calabarzon area naman, medyo mataas din ang positivity rate na nagri-range sa pagitan ng 5-7%.
Ibig sabihin, medyo mas mataas na rin siya doon sa recommended ng World Health Organization na less than 5%; kabilang ang Batangas, Cavite, Laguna, Rizal; ang Pampanga rin ay nakitaan din ng pagtaas ng positivity rate.
Sa Western Visayas naman, sa Iloilo, Capiz at South Cotabato ay may mas mataas nang kaunti na positivity rate.
Inaasahang tataas pa ang mga kaso ng coronavirus hanggang 500 ngayong linggo.
Gayunpaman, ani David, mababa pa rin sa kabuuan kung titingnan ang mga datos.
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang pagmomonitor ng OCTA sa magiging trend ng COVID-19 cases sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Mababa pa ito kumpara sa mga nakaraan na surge. So, again, tulad ng lagi nating sinasabi ay patuloy na pag-iingat para sa mga kababayan natin,” ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David.
Saysay pa ng OCTA, itinuturong dahilan ng pagtaas ng mga kaso ang BA4 at BA.5 subvariants na mas nakahahawa.
Base sa datos, 35% na mas nakahahawa ang BA.5 kumpara doon sa BA.2 na kumalat sa bansa noong Enero, habang ang BA.4 naman 19% more transmissible.
“Parehas sa dahilan kung bakit tumataas iyong bilang ng kaso ngayon sa mga ibang bansa. Sa United Kingdom ay tumataas ulit iyong cases nila, may panibago na naman silang surge. Sa France, tumataas din iyong cases. Sa Portugal. Ito ay nangyayari din sa South Africa. Ang dahilan dito ay iyong BA4 at saka iyong BA.5,” dagdag ni David.
Patuloy na iginigiit ng OCTA ang kahalagahan ng pag-comply sa minimum public health standards gaya ng pagsuot ng face mask at ang pagpapabakuna lalo na ang pagpapa-boosters para mapigilan ang pagkalat ng virus.