Pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Quezon City, ikinaalarma

INAMIN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nakakaalarma na ang mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases sa lungsod.

Malaki ang pagkakaiba kung ihahambing ang bilang ng COVID-19 ngayong buwan kumpara sa buwan ng Pebrero.

Ayon kay Belmonte, nasa household level na ang hawaan ng virus sa Quezon City.

Nangunguna naman ang Barangay Batasan Hills sa mahigit 100 barangay sa lungsod na may mataas na active cases.

Ani Belmonte, pinakamataas ang populasyon ng lungsod kumpara sa ibang siyudad sa Metro Manila kaya marami rin ang nahahawaan ng virus.

Napupuno na rin aniya ng mga pasyente ang local hospitals sa Quezon City.

Pero kahit mabilis ang pagtaas ng daily attack rate, pang 13 lamang ang lungsod sa Metro Manila na mataas na daily attack rate ng virus.

COVID-19 response, paiigtingin sa QC

Dahil dito, paiigtingin pa ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga ordinansa para maagapan ang pagkalat ng virus.

Kabilang dito ang mandatory na pagsusuot ng face mask at face shield at pagpapairal ng social distancing.

Huhulihin agad ang mga lalabag sa nasabing health protocols.

Kinokunsulta na rin ng city government ang mga barangay kung pahahabain ba ang curfew hour sa siyudad na ngayon ay nasa 12 ng hatinggabi hanggang alas 4 ng madaling araw.

Mananatili naman ang pagpapatupad ng special concern lockdown sa ilang lugar na matindi ang hawaan.

Huhulihin rin ang mga pagala-gala sa mga lugar na nasa localized community quarantine.

Pinag-aaralan din ng LGU na bawasan ang kapasidad ng mga establisimyento gaya ng restaurants, hotel, at maging ng simbahan.

Samantala, 18 naman na iba’t-ibang variant ng COVID-19 ang naitala sa Quezon City.

Sa ngayon ay mahigit sa 12,000 health workers na sa siyudad ang naturukan ng COVID-19 vaccine na mahigit sa 38% sa mahigit 32,000 health workers sa lungsod.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.