HINIHILING ngayon sa Malakanyang na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) na ipinatupad simula ngayong Enero 2025.
Ayon kay dating pangulo at CEO ng SSS na si Rolando Ledesma Macasaet, ang pagpapaliban ay makatutulong upang mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga miyembro nito.
Maliban dito, nais din niyang repasuhin ang Republic Act (RA) 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Sa ilalim ng Social Security Act of 2018, kinakailangan ang pagtaas ng kontribusyon ng SSS tuwing dalawang taon na magtatapos sa 15% na rate sa 2025.
Sa 15% na rate ng kontribusyon ngayong taon, ang 10% ay sasagutin ng employer, habang ang 5% naman ay babayaran ng empleyado.
Ayon kay Macasaet, ang SSS ay nakapagtala ng higit sa P80B na kita noong 2023 at higit sa P100B sa 2024.
Binigyang-linaw rin ni Macasaet na walang anumang kontribusyon ang SSS sa Maharlika Investment Fund (MIF), bilang tugon sa mga ulat na ang pagtaas ng premium ay ginawa upang mapunan ang halagang ibinayad nito sa Sovereign Wealth Fund.