Pagtaas ng sahod sa Bicol at Zamboanga Peninsula, makinabang ang higit 213,000 manggagawa

Pagtaas ng sahod sa Bicol at Zamboanga Peninsula, makinabang ang higit 213,000 manggagawa

MAKIKINABANG ang mahigit 213,000 manggagawa sa Bicol Region at Zamboanga Peninsula sa pagtaas ng minimum wage, ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Makatatanggap ng dagdag na P40 kada araw ang mga manggagawa sa Bicol, habang ang mga kasambahay naman sa Bicol at Zamboanga ay makatatanggap ng dagdag na P900 hanggang P1,000 kada buwan.

Kinumpirma ng NWPC na inaprubahan ng kani-kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards noong Marso 14 ngayong taon ang mga wage order. Magkakabisa ang mga ito sa Abril 3 at 5 ngayong taon.

Sa Bicol Region, ang Wage Order No. RBV-22 ay nagtataas ng minimum daily wage mula P395 hanggang P435 para sa lahat ng sektor. Ang P40 na dagdag ay ipatutupad sa dalawang bahagi: sa oras na magkabisa ang order at sa unang araw ng Disyembre 2025. Tinatayang 316,784 na full-time na mga manggagawang kumikita ng higit sa minimum wage ay maaari ding makinabang dahil sa pagwawasto ng wage distortion.

Tutulong ang Region 5 Tripartite Wages and Productivity Board sa mga negosyo sa pagwawasto nito’t sa pagpapatupad ng mga programa para sa pagpapabuti ng pagiging produktibo.

Para sa mga kasambahay sa Bicol, ang Wage Order No. RBV-DW-04 ay nagbibigay ng P1,000 na dagdag sa buwanang sahod, na magpapataas nito sa P6,000. 21% o mahigit 19,607 ng mga makikinabang ay nasa live-in arrangement.

Samantala, sa Zamboanga Peninsula, ang Wage Order No. RIX-DW-05 ay nagbibigay ng P900 na dagdag sa buwanang sahod ng mga kasambahay. Magiging P5,500 ang minimum wage sa mga chartered city at first-class municipalities, at P5,000 sa ibang munisipalidad. 13% o halos 2,491 ng mga makikinabang ay nasa live-in arrangement.

Ang mga retail at service establishment na may hindi hihigit sa 10 manggagawa, at mga negosyo na naapektuhan ng kalamidad ay maaaring humingi ng exemption.

Ang mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprise ay hindi sakop ng minimum wage law.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble