BUMILIS sa higit 120% ang pagtaas sa presyo ng kamatis noong December 2024 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Tila mamumulubi ang bibili ng isang kilo ng kamatis ngayong panahon.
Gaya ni Joan na sa limang pirasong kamatis lang na kaniyang binili ay halos nasa P100 na ang kaniyang binayad. Ganoon din si Mang Ador.
‘’Sobrang mahal. Sobrang pagtaas ng pagtaas talaga ng kamatis,’’ ayon kay Joan Bilches Consumer.
‘’Talagang masakit sa bulsa. Isipin mo lahat ng gulay ang taas ng presyo ngayon,’’ saad ni Ador Costales Consumer.
Sa mga pamilihan sa Metro Manila, umaabot na sa higit P200 hanggang P400 ang kada kilo ng kamatis.
Pero bago pa man mag-bagong taon, mabilis na ang pagtaas ng presyo nito.
Ayon sa PSA, sumirit sa higit 120% ang inflation o antas sa pagtaas ng presyo ng kamatis noong Disyembre ng 2024 na mas mabilis kumpara sa 31.3% noong Nobyembre.
‘’Malaki ang kaniyang increase talaga dito sa National Capital Region. Yung level niya, ang NCR ang average price ng kamatis noong Disyembre 2024 ay nasa P213.45. Kung ikukumpara natin noong Disyembre ng 2023 ito ay nasa P64.57,’’ ayon kay Usec. Dennis Mapa.
Ayon sa Philippine Chamber of Agriculture Inc. sumirit ang presyo hindi lang ng kamatis kundi maging ang iba pang mga gulay noong Kapaskuhan dahil sa mababang suplay at mataas na demand.
‘’Kasi tinamaan tayo ng Pepito, ‘yung huli. Nanggilid diyan sa bundok, ‘yung mga tinamaan ‘yung maggugulay,’’ saad ni Danilo Fausto President, Phil. Chamber of Agriculture Inc.
‘’Kaya bumaba ‘yung supply ng ating mga gulay. Tapos sinabayan pa ng Pasko. Marami namimili noong Pasko, so tumaas ‘yung demand,’’ saad nito.
Sabi ng PSA, mas tataas pa ang presyo ng kamatis sa unang buwan ng 2025.
‘’Ang expectation natin patuloy itong tataas itong January no. For example itong National Capital Region nagrarange na siya ng P250 close to P300 per kilo,’’ dagdag ni Usec. Dennis Mapa.
Isa ang kamatis sa mga nag-ambag sa pagbilis ng food inflation na naitala sa 3.4%.
Sa kabuuan, mas bumilis noong Disyembre ang antas ng pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa 2.9% kumpara sa 2.5% noong Nobyembre.
Isa rin sa mga dahilan ng mas mataas na inflation nitong Kapaskuhan ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng kuryente, pagtaas ng renta ng bahay at LPG, at ang pagtaas ng pamasahe sa barko.
‘’Yung pamasahe sa barko may seasonality talaga yun ano. Tumataas siya pag holidays. December and during summer,’’ saad ni Mapa.