Pagtakbo ni FPRRD sa Senado sa 2025, muling iminungkahi

Pagtakbo ni FPRRD sa Senado sa 2025, muling iminungkahi

ISANG linggo bago ang pagpa-file ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2025 midterm election ay hindi na maikakaila na kahit saan ka lumingon ay kapansin-pansin at ramdam na ng taumbayan ang mga tatakbo sa iba’t ibang posisyon, mapa-Senado man o lokal na posisyon.

At sa kabila ng kampanya ng ilang indibidwal at grupo lalo na sa social media na nais imulat ang taumbayan sa mga politikong hindi na dapat iboto ay isang masaklap pa ring katotohanan na marami pa ring nahahalal sa mga ito.

Para kay Atty. Salvador Panelo, former chief presidential legal counsel, marami pa rin sa mga botante ang hindi pa edukado.

“Pero, considering na majority pa rin ay uneducated na mga botante, ay marami pa ring lalabas sa kanila. Labanan ng pera, labanan ng image.”

“Kaya, they (politicians) will maintain that kind of uneducated electorate para manatili sa kapangyarihan,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Samantala, iminungkahi naman ni Atty. Panelo na tumakbo si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong 2025 midterm.

“Tumakbo kang senador. Unang-una, iba na iyong may posisyon ka.”

“Ngayon, talagang wala kang posisyon, inaapi ka.”

“’Pag senador ka, hindi ka nila maaapi ng ganun. Pangalawa, since inilulunsad ko nga iyong 2028 Duterte-Duterte, kapag tumakbo ka ng midterm, doon mo makikita kung malakas ka pa sa tao.”

“Kung mag top 3 ka, tuloy mo, ang vice president bid. Pero kung mga number 8,9, 10, 11 ka, ‘wag ka nang tumakbo kasi ibig sabihin, humina ka. Kaya magandang barometro iyan,” ani Atty. Panelo.

Nagmungkahi rin si Panelo sa dating pangulo na ang dapat na iniindorsong kandidato ay ang aniya’y siguradong makapasok.

“Ang patakbuhin mo lang sa PDP-Laban, ikaw, si Bato, at saka si Bong Go. Sigurado panalo kayo. Pero kung magpapalagay kayo ng iba diyan, magiging “Otso Diretso” kayo,” aniya.

Sinabi pa nito na magkakaroon lang ng pagbabago sa mga iluluklok sa puwesto kung papag-aralin ang lahat ng Pilipino nang libre.

“Kaya ‘yung panukala ko na papag-aralin ang lahat ng Pilipino nang libre, hindi mangyayari iyon. Mangyayari lang iyan kung magkaroon ng rebolusyonaryong gobyerno, iyan, mangyayari iyon,” aniya pa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble