ISA sa tinitingnan ng Department of Foreign Affair (DFA) kung kabilang ba sa tatalakayin ang executive clemency para kay Maryjane Veloso na hiniling ng Pilipinas sa pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo.
Mula Enero 9-11, 2023 ang official visit ni Widodo sa bansa.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang pagbisita ay inaasahang magpapalalim pa’t magpapalawak sa ugnayan ng Pilipinas at Indonesia.
At isa rin sa tinitingnan ayon sa DFA ang pag-usapan ang clemency ni Maryjane Veloso ng dalawang pinuno ng bansa.
Ayon kay DFA Sec. Manalo, muling hiniling ng pamahalaan na paliitin ang sentensiya ni Veloso kasabay ng pagbisita ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa Manila araw ng Martes.
Ang pag-uulit ay ginawa isang araw bago ang pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo sa Pilipinas.
Pagtitiyak din ni Manalo, patuloy ang ginagawang pagsisikap ng pamahalaan na makahanap ng paraan sa pagresolba sa kaso ni Veloso.
Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Ang pahayag ng DFA chief ay kasabay sa ministerial meeting ng 7th Philippines-Indonesia Joint Commission for Bilateral Cooperation (JCBC) noong Enero 9.
Bilateral relation ng Pilipinas at Indonesia, muling pinaigting—DFA
Ang bilateral cooperation ay ang pangunahing mekanismo ng pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia upang suriin ang mga nagawa sa mga inisyatiba sa pagtutulungan ng isa’t isa.
Nagpalitan din ng mga pananaw sa mga isyu ng mutual interest, at isinaalang-alang ang mga plano para sa pagpapahusay ng kooperasyon.
Nangako rin ang Indonesia na susuporta sila sa usapin ng South China Sea partikular na sa mga kalapit bansa na miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).