Pagtanggal sa posters at pakikipag-usap sa makakaliwa, nilinaw ni Mayor Magalong

Pagtanggal sa posters at pakikipag-usap sa makakaliwa, nilinaw ni Mayor Magalong

NILINAW ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga isyung nag-uugnay sa kanya sa mga kalaban ng pamahalaan.

Totoo nga bang may pagkiling ang alkalde na dating police general sa CPP-NPA-NDF?

Isa-isang nilinaw ni Mayor Magalong ang mga isyung nag-uugnay sa kanya sa CPP-NPA-NDF.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News sa dating PNP CIDG chief, unang sinagot nito ang isyu ng umano’y pagpapatanggal niya sa mga nakakalat na poster sa siyudad laman ang mukha ng mga miyembro ng communist terrorist groups.

Paliwanag ni Magalong, dumulog sa kanya ang left-leaning groups at activists at mga magulang nito.

Nangyari daw ang meeting na ito sa Baguio Convention Center kasama ang Baguio PNP.

“So nagkaroon kami ng meeting, tapos ang sabi ng mga parents Mayor, how do you feel kung yung anak mo sumama lang para makipagsympathize doon sa ABS-CBN, sumama lang doon sa rally bigla na lang nakita namin na kuwan na siya, nared-tag na siya? Na-red tag na siya. So, lumabas na yung kanyang mukha sa social media,” kwento ni Mayor Magalong.

“I was really surprised na talagang some of the audience there were actually left-leaning groups, mga activist but they’re not that- hindi yung armado-wala. So, sinabi ng parents sumama lang kami doon maya-maya, nakinig lang kami yung anak ko, maya-maya nakuwan na siya… na-label na siya na komunista. How do you feel as a mother na bigla ka na lang mawala tapos kinonfront nila yung Philippine National Police si Col. Lonogan at sinabi nga nila na bakit naipasa ng mga tao mo yung social media kasi kilala nila eh? Siyempre nagri-research din yang mga kwan na yan eh. So na-identify yung ibang mga pulis. Nag-apologize si Col Lonogan. Sabi niya inaamin niya na naging irresponsible yung kanyang ibang mga kapulisan at naipasa,” dagdag ni Magalong.

Dito na raw napagpasyahan ni Magalong at ng PNP Baguio na ipatanggal ang mga poster.

“You know Glen, better yung mga pictures ng wala rin lang tayong basis, wala rin tayong warrant of arrest, hindi naman convicted, better na tanggalin natin sa social media. Second is yung mga poster natin, kung activist lang yan, tanggalin niyo na yang mga posters na yan. Ang iiwanan na lang natin yung mga posters ng mga komunista na convicted at yung may warrant of arrest,” aniya.

Nilinaw rin nito na hindi niya pinatanggal ang poster sa buong siyudad na nagdedeklarang persona non-grata ang CPP-NPA-NDF.

Katunayan, si Magalong pa nga raw ang naghimok sa buong city council ng Baguio na suportahan siyang ideklara na persona non-grata ang mga kalaban ng gobyerno.

Sunod namang sinagot ni Magalong ang isyu na ito’y nakikipag-ugnayan sa mga komunistang kabataan.

Paliwanag ni Magalong, nangyari ito sa isang speaking engagement sa Baguio Youth noong election campaign sa Teacher’s camp ng siyudad.

Habang nagpapaliwanag aniya siya sa kanyang plataporma at good governance, napansin nito na masama ang tingin ng ilang kabataan sa kanya.

Kalaunan, napaghalata ni Magalong na mga aktibistang kabataan ang ilan sa kanyang mga kaharap.

Pagkatapos ng event, nagkaroon ng picture taking at ayon kay Magalong, hindi niya kilala ang mga kasama niya sa litrato.

“‘Yung binabanggit nilang tao hindi ko kilala yun eh. Hindi ko kilala yun, yung sinasabi nila na nakipag-picture ako? Hindi ko siya kilala. Hindi ko siya kilala. I’m not aware. Pero when I started talking about corruption, about good governance and then transition to choosing the right leader, nakita ko na kaagad na yung reaksyon noong iba. Pero surprisingly, merong very attentive na gumaganon. So anong ginawa ko dito? If you talk about these things, are you a communist? And besides di ba, talking to these kids itong mga bata na to na they feel na everything is hopeless. But because of what I did, nag-usap kami nagdialouge ako sa kanila, I told them that there is hope. Kumbaga nakita nila na merong hope pala. Hindi pala hopeless itong bansa natin. That we have good leaders. So I was able to save some souls. I was able to save some souls. Some souls, saving them and protecting them from the communist ideology. Instead of pabayaan ko lang sila, I took that opportunity maski alam ko na tiger look yung iba sa akin. Yung iba nga gumaganon na sa akin eh,” aniya.

Lahat ng ganap na pinaliwanag ni Mayor Magalong ay nangyari sa pampublikong lugar.

Kaya kung totoong palihim itong kumikiling sa mga kalaban, bakit daw nito pipiliin na makipag-meeting sa public space?

Lalo na’t personal na nasaksihan ni Magalong ang kalupitan ng communist terrorist group sa buong panunungkulan nito sa Philippine National Police (PNP).

Mga kabaro niyang pulis, namatay sa ambush, mga malapit niyang kabaro walang habas na pinaslang at mga tauhan nito, nagbuwis ng buhay para sa laban ng pamahalaan kontra insurhensya.

Kaya malabo itong magtraydor sa bayan na kaniyang pinagsisilbihan.

“Kung naranasan mo tong mga to, would you betray your country? Would you betray your country?” ayon pa kay Magalong.

Samantala, mariin namang kinondena ni Magalong ang lahat ng kahalayan, pang-aabuso at kalupitan ng CPP-NPA-NDF.

Mayor Magalong, mariing kinondena ang karahasan at pang-aabuso ng  CPP-NPA-NDF

“If I say I denounce, maski pa ulit-ulitin ko yan ng 100 times 1,000 times ulit-ulitin ko yan. That I will never ally myself with these communist terrorist groups. Never in my life. Nakulong ako for rebellion, at lahat fighting for this country. I’m willing to die for this country, consistent yan,” pahayag ni Magalong.

May babala naman si Magalong sa mga CTGs na gustong maghasik ng gulo sa kanyang siyudad.

“Kung gusto niyong pumunta rito sa siyudad ng Baguio, pumunta kayo rito para makipag-dialouge sa amin. Ang pag-uusapan namin is how you return to the fold of the law. Pero kung pupunta po kayo rito, para manggulo at armado, hindi po namin kayo papayagan at aawayin po namin kayo,” saad ng alkalde.

Ipagdarasal naman ni Magalong ang lahat ng mga nagdududa sa kaniyang paninilbihan sa bayan.

Handa rin daw itong humarap sa isang public hearing kasama ang mga nagdududa sa kanya para magkapaliwanagan.

Sa huli, saad ni Magalong na walang ibang natutuwa na nag-aaway-away ang mga dapat kakampi sa laban kontra insurhensya kundi ang CPP-NPA-NDF.