Pagtatag ng Kadiwa Centers sa buong bansa, ipinanawagan sa Kongreso

Pagtatag ng Kadiwa Centers sa buong bansa, ipinanawagan sa Kongreso

NANAWAGAN si Agri Party-list Rep. Wilbert Lee sa liderato ng Kamara na suportahan ang panukalang batas nito na magtatatag ng Kadiwa Agri-Food Terminals sa lahat ng siyudad sa buong bansa.

Ito’y para makatulong sa mga magsasaka at mangingisda at mapababa ang epekto ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Saad ni Lee, ito marahil ang epektibong solusyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate na ngayon ay nasa 7.7% na.

Ang mungkahi ni Lee ay sakop ng kanyang House Bill No. 3957 o “Kadiwa Agri-Food Terminal Act” na mag-iinstitutionalize sa mga food terminal na pangangasiwaan ng Department of Agriculture at local government units.

“Sa bilis ng pag-arangkada ng inflation, naiiwan na may mas mabigat na pasanin ang ating mga consumer. Kasama dito ang ating mga magsasaka at mangingisda na katiting na nga lang ang kinikita, problemado pa sa nagtataasang presyo ng bilihin,” ani Lee.

Oras na magkaroon ng Kadiwa Centers, lalaya na sa control ng mga mapagsamantalang middlemen ang ating farmers at fisher folks dahilan para bumaba ang presyo ng bilihin sa 10%-20%.

Follow SMNI NEWS in Twitter