MULING pinahalagahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pagtatag ng Office of the Vice President (OVP) satellite offices sa buong bansa.
Binisita ni VP Sara ang mga residente ng lungsod ng Butuan kamakailan.
Isang ina ang lumapit sa Bise Presidente kasama ang kaniyang anak na naghihikahos sa sakit.
Napaiyak ang ina habang kinukuwento nito ang kalagayan ng kaniyang anak na si Kenny.
Humiling siya ng tulong upang mapatingnan sa doktor at mabigyan ng atensiyong-medikal ang kaniyang anak.
Si Kenny, isang 15-taong gulang na mag-aaral ng Grade 9 ay agad na inindorso ni VP Sara sa OVP Satellite Office – Caraga Manager.
Sa kasalukuyan, si Kenny ay naka-admit sa isang ospital sa Agusan del Norte at may diagnosis na Tuberculosis (TB).
Dahil dito muling pinaalalahanan ni VP Sara ang ating mga kababayan na ang TB ay sakit na may gamot at kailangan lang na agaran na pagpunta at pacheck-up sa TB-DOTS center sa kanilang lugar.
Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagtatatag ng mga satellite offices sa buong bansa ayon kay VP Duterte.
Sa pamamagitan nito aniya ay mas nagiging madali at mas malapit ang pag-abot ng mga pangunahing serbisyo sa mga Pilipino.
Ayon pa kay VP Duterte, nagpapakita rin ito ng malasakit ng OVP sa kalusugan ng bawat mamamayan, at maipadama ang presensiya ng national government sa bawat sulok ng bansa.
Patuloy aniya ang pagsisikap ng OVP na maabot ang mga nangangailangan, tulad ni Kenny, upang masiguro na ang bawat Pilipino ay makararanas ng maayos na kalusugan at magandang kinabukasan.