WALANG hadlang para magtalaga ng Officer-in-Charge (OIC) sa Maguindanao del Norte si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ayon kay Atty. Harry Roque, kung pagbabatayan ang legalidad o batas, tapos na ang May 2022 elections nang maratipikahan ang paghahati ng Maguindanao para mabuo ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.
Ibig sabihin, may kapangyarihan si Pangulong Marcos na italaga si Abdulraof A. Macacua bilang OIC ng Maguindanao del Norte, ang bagong probinsiya na nasa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang-diin ni Roque na matagal bago ginawa ni Pangulong Marcos ang pagtalaga ng OIC sa probinsiya kaya gumanap bilang governor ng Maguindanao del Norte ang nanalong vice-governor nitong May 2022 elections.
Ang Maguindanao del Sur naman ang itinuturing na mother province.
Noong May 2022 elections ay pinag-isa pa ang buong Maguindanao.
Naniniwala si Atty. Roque, na legal ang lahat na ginawa ng gumanap na OIC para sa Maguindanao del Norte.
Sa usaping political, sinabi ni Roque na medyo salungat ang naitalagang OIC ng Maguindanao del Norte at del Sur sa mga hinalal ng taga-roon.
Sa kabila nito, ay naniniwala si Roque na ‘balancing act’ ang ginagawa ni Pangulong Marcos at kung magkaroon man muli ng halalan ay sigurado pa ring mananalo ang mga Mangudadatu at Sinsuat.
Kamakailan ay kinumpirma ng Presidential Communications Office (PCO) sina Macacua bilang OIC para sa Maguindanao del Norte at Bai Mariam Mangudadatu, ang nanalong governor ng noo’y buong Maguindanao para sa Maguindanao del Sur.
Ang naninilbihan bilang OIC sa Maguindanao del Norte bago ang pagtatalaga ni Pangulong Marcos ay si Bai Fatima Ainee Sinsuat ang nanalong vice-governor ng noo’y buong Maguindanao.