SINABI ni Senate President Vicente Sotto III na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maalis ang party-list system sa bansa kaya nito isinusulong na maamyendahan ang 1987 constitution.
Ayon kay Sotto, mainit ang dugo ng pangulo sa isyu ng CPP-NPA-NDF at naniniwala itong ilang party list group ay konektado sa rebeldeng grupo.
Ang ilang party list Representatives, tikom ang bibig sa isyu pero ayon kay DIWA Partylist Rep. Mike Aglipay, maraming nagawang mabuti ang partylist representatives para ito’y i-abolish.
“The Partylist system has done more good than bad and it has made a congress a more diverse and more inclusive body,” ayon kay Aglipay.
Ang Makabayan Bloc na siyang pinatatamaan ng Pangulo, pumalag sa planong i-abolish ang partylist system.
Para sa kanila, ginagawang palusot ng administrasyon ang mga makakaliwa para isulong ang Cha-Cha.
“Hindi naman maihihiwalay ang pansariling interes na term extensions at pagpapanatili ang sarili, pamilya at political party sa poder ng kapangyarihan kahit na sabihin na ang intensyon ng sinusulong na Charter Change ay tanggalin ang party-list system sa Kongreso,” ayon kay ACT Teachers Rep. France Castro
“Ang gobyeno na gutom sa kapangyarigan, reaksyonaryo ay muling ginagamit ang CPP-NPA upang bigyan katwiran ang Charter Change at ang kanilang pagnanais na manatili sa kapangyarihan at para protektahan ang status quo,” ayon naman kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.
“Abolishing the party-list system would not aid their crackdown against CPP-NPA, but only in the crackdown of representation for the poor and marginalized,” diin din ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.
Pero para naman kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano, pwede namang malinis ang party-list system nang hindi inaamyendahan ang constitution.
“Ang pagkaalam ko, it’s not the whole party-list system. Ang isang inaano dyan is yung nakakapasok yung ibang enemy of the state sa ibang party-list system. You can address that with the present laws or strengthen Present laws without amending the constitution,” ani Cayetano.
Diin din ng mambabatas na hindi akma na pag-usapan ang mga isyung pampulitika sa halip ay unahin ang COVID-19 vaccine.
“Question, kung ako yung public official ngayon at kayo ang taong bayan, mas gusto niyo bang yan ang pinag-uusapan natin o balik muna tayo sa vaccination? Yun lang naman ang point ko dun,” aniya pa.
Si House Speaker Lord Allan Velasco, ang restrictive economic provisions lamang ang nais baguhin sa konstitusyon pero ani Cayetano, usap-usapan din ngayon sa Kamara na pahabain ang term limits ng mga pulitiko.
Kung si Senior Deputy Speaker Doy Leachon naman ang tatanungin, walang problema sa kanila sa Kamara na talakayin ang isinusulong ng Senado.
Subalit, malaking hamon raw ito na mapag-usapan ngayong may pandemya.
“If Senate consents to it, then we see no problem. It’s mainly limited now to the matter of timing in this pandemic period,” ayon kay Leachon.
Tiniyak naman na transparent ang gagawin ng Kamara ng kanilang pagtalakay sa Cha-Cha dahil sa huli, taumbayan pa rin ang magpapasya dito.
“Klaro po ang direktiba ng ating Speaker that we need to confine our discussion doon sa economic provisions. At the end of the day, ang taong bayan will have the power of ratification. They will be the one to ratify the amendments in a plebiscite,” pahayag ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr.