BIBIGYANG prayoridad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpatatayo ng cruise ship port sa bansa.
Target ng Department of Tourism (DOT) na makamit ang nasa 12-million tourist arrivals sa bansa sa kasagsagan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
At para makamit ito ayon sa PPA, kinakailangan magbukas ng karagdagang access points para sa mga dayuhang turista bukod sa mga airport.
Ayon kay Atty. Jay Santiago, General Manager ng PPA, tututukan nila ngayon ang pagpatatayo ng mga dedicated cruise terminal sa bansa upang ma-accommodate ang mga dayuhang turista na dumadating sa bansa sakay ng mga cruise ship.
“We want to be able to put together an international standard, global quality service sa cruise terminal natin na we can put our best foot forward when we start receiving foreign tourist. We don’t want them na admittedly busy talaga ‘yung domestic cargo ports natin eh. We want to showcase para pagdating nila maganda ang sasalubong sa kanila. Maganda ang experience nila pagdalaw nila,” pahayag ni Atty. Jay Santiago, General Manager, Philippine Ports Authority.
Sabi pa ni Santiago na kumpleto ng mga moderno at world class na pasilidad ang mga itatayong cruise terminal na layong mapabuti at maging maayos ang travel experience ng mga dayuhang turista.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PPA sa mga foreign cruise lines upang ma-accommodate nang maayos ang mga dayuhang barko na mas malalaki pa kumpara sa mga regular na cargo vessel.
“We have to make sure that we are in close coordination also with the foreign cruise lines to find out gaano na ba kalalaki itong mga cruise vessels nito ngayon. Ano ‘yung required depth ‘nung mga areas kung saan sila magdo-dock para ‘yung design natin will be adapt kung ano talaga ‘yung requirements ‘nung mga bagong cruise vessels now,” dagdag ni Santiago.
Kauna-unahang cruise terminal sa bansa, bubuksan na sa Siargao; iba pang tourist destination, tatayuan ng cruise terminal
At ngayong darating na Oktubre, nakatakdang buksan ang kauna-unahang dedicated cruise terminal sa Pilipinas na matatagpuan sa Siargao.
Magpapatayo rin ng mga cruise terminal sa Coron Palawan, Boracay, Bohol, at Camaguin.
Aayusin naman ang mga iba pang terminal upang maging angkop para sa mga cruise ship tulad ng Currimao Port sa Ilocos Norte at Salomague Port sa Ilocos Sur.
“We recognize the impact and the impact of tourism as a catalyst for development in those localities in those locations. And we need to provide access to those locations for tourism. Nandiyan ‘yung lahat ng airports natin and that is one means of access to those locations. And then also we are providing because there is a separate market for cruise tourism that is why we are also providing for access doon sa cruise tourism naman natin. That is why we need to put up cruise terminals,” ayon pa kay Santiago.
Marcos admin, nakapagtayo ng 30 bagong seaport projects sa unang taon
Samantala, ibinida naman ng PPA na sa ilalim ng isang taon ng Marcos administration, nasa 30 bagong seaport projects ang ipinatayo ng gobyerno.
17 proyekto ay nasa Luzon, apat sa Visayas habang siyam naman ang nasa Mindanao.
Bahagi ito ng “Build, Build, More” program ng pamahalaan.