MGA disenteng pabahay na may kasamang parke ang nakatakdang itayo sa San Juan City para sa tinatayang tatlong libong informal settlers.
Ang nasabing proyekto ay magiging batayan sa iba pang programang pabahay ng administrasyong Marcos sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Taong 2012 nang masunugan ng bahay ang pamilya ni Aling Teresita sa San Juan City.
Dahil aniya sa hirap ng buhay, hirap silang makapagpatayo ng sarili nilang disenteng bahay.
Kaya napilitan silang manirahan sa isang abandonadong gusali kasama ng iba pang pamilya.
Pero may magandang balita para kay Aling Teresita kasama ang libu-libong informal settlers sa San Juan City.
Uumpisahan ng administrasyong Marcos ang kanilang proyektong pabahay para sa mga informal settler sa San Juan.
“Masaya po kasi magkakaroon ka ng magandang [pamamahay]. Doon ka na tatanda. ‘Yung mga anak mo, ‘yung mga apo mo doon na rin sila. ‘Yung kinabukasan nila maganda kasi nasa maayos silang lugar,” ayon kay Teresita Pascual, nakatira sa isang abandonadong gusali.
Tatlong bakanteng lote malapit sa San Juan River ang handang i-develop para pagtayuan ng tatlong 25-storey housing building.
“Napakaraming ISF sa mga waterways. Dalawa po ang purpose niyan. Primarily bigyan ng disenteng pabahay ang ating mga kababayan. At the same time, malinis po ‘yung waterways para po maging maayos po itong daluyan ng mga tubig,” ayon kay Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.
“Siguro next month mag-uumpisa kami rito. After two years lahat matuturn-over na iyan,” ayon kay Secretary Jerry Acuzar, DHSUD.
Tinatayang tatlong libong informal family settlers sa nasabing lungsod ang makikinabang sa pabahay ng administrasyong Marcos ayon kay Mayor Francis Zamora.
“Pangarap ko po na ang San Juan ang maging unang ISF-free city sa buong Pilipinas. At sa ginagawa ho nating hakbang na ito sa tulong ng national government, naniniwala po ako by 2028 ay kaya po nating makamit iyan,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.
Para sa staging area kung saan pansamantalang ililipat ang mga informal family settlers, magtatayo ang San Juan LGU ng mga bahay na gawa sa container vans sa mga bakanteng kalsada.
Gagamitin din ng lokal na pamahalaan ani Zamora ang mga dating quarantine facility.
Kaugnay rito, hindi lamang basta pabahay ang itatayo ng gobyerno.
Magtatayo rin ng isang parke na may iba’t ibang pasilidad tulad ng material recover facility, rain harvesting facility, jogging path, bicycle lane, at garden.
Magtatayo rin ang MMDA ng sewerage treatment plant sa nasabing site upang tiyakin na malinis ang tubig na dadaloy mula sa San Juan River patungong Ilog Pasig.
Ang proyektong pabahay sa San Juan ang magiging batayan naman sa iba pang housing project sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Magandang i-showcase itong NCR dahil alam naman natin gaano kaimportante itong Pasig River at ang tributaries kamukha nitong San Juan River,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, DILG.
“Sa Kalakhang Maynila dirediretso na ito. Wala nang makakapigil dito. Ito ay gagawin natin sa buong Pilipinas,” dagdag ni Abalos.