INAASAHANG hindi bababa sa 30K katao ang dadalo sa isang malaking birthday tribute para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Digos City.
Ito ay pasasalamat ng mga taga-Digos sa mga nagawa ng dating Pangulo, lalo na sa kampanya nito laban sa ilegal na droga at kriminalidad.
Dahil sa matapang na kampanya ni dating Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga at kriminalidad, marami ang nagbago, mula sa pagiging adik at kriminal tungo sa pagiging mas kapaki-pakinabang na mamamayan.
Kaya naman, nananatiling matibay ang suporta ni Brgy. Chairman Oscar “Dodong” Bucol Jr. ng Brgy. Tres de Mayo, Digos City kay dating Pangulong Duterte, mula pa noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
“Sa tagal ko sa politika, magla-last term na lang ako namulat ako sa pamamaraan ni PRRD kung saan ang nakabenepisyo naman ay ang taumbayan. Kahit dito sa barangay ko daming naiba ‘yung buhay, kung baga ‘yung mga dating adik, dating payat tumaba. Dating salot, dating mga magnanakaw dahil wala ng pambili ng droga, nag-iba sila noong nakaupo na si PRRD,” pahayag ni Oscar “Dodong” Bucol Jr., Brgy Captain, Brgy. Tres de Mayo, Digos City.
Bukod rito, binigyang-diin ni Kapitan Bucol ang mga proyektong pang-imprastruktura ni Duterte sa Digos City na nagdulot ng malaking tulong sa komunidad kabilang ang mga kalsada, pagpapaayos ng mga paaralan, at ang pagpapatayo ng city hall.
Dahil dito, aniya, minahal ng taumbayan si Duterte.
Brgy. Tres de Mayo, Digos: ‘Di makatarungan ang pag-aresto kay FPRRD
Mariin namang tinuligsa ni Kapitan Bucol ang hindi makatarungang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at ang paglilitis sa kaniya sa banyagang korte, lalo’t kapakanan ng bawat Pilipino lang aniya ang iniisip ng dating Pangulo.
“’Yung ginawa sa kaniya ngayon hindi makatarungan, ‘yung nangyayari sa kaniya. Kahit ako lang isang politikong tatayo wala akong pakialam. Kahit sabi nga ng mga kaibigan ko na malapit sa akin, “Baka pag-initan ka Kap.” Eh wala naman akong problema. Kahit bukas hindi na ako kapitan,” matapang na pahayag ni Kapitan Bucol.
Naniniwala si Kapitan Bucol na dahil sa pagmamahal at serbisyo ni Duterte sa bayan, maraming Pilipino sa loob at labas ng bansa ang sumasalungat at kumokondena sa mga hakbang ng gobyerno at ng ICC laban sa dating Pangulo.
Pasasalamat event para kay FPRRD sa Digos City, dadaluhan ng hindi bababa sa 30K katao
Puspusan ang paghahanda ng Brgy. Tres de Mayo para sa isang birthday tribute para kay dating Pangulong Duterte sa pangunguna ni Kapitan Bucol.
Tinatayang 30K katao mula sa siyam na munisipalidad at isang lungsod sa Davao del Sur ang inaasahang dadalo sa pagtitipon bilang pagpapasalamat sa dating Pangulo para sa mga nagawa niya sa probinsiya.
“Iyang araw na iyan, araw ng kapanganakan ni Tatay Digong. Ipag-celebrate natin na may taong ipinanganak na si Tatay Digong na dumaan sa Pilipinas na naging pangulo at naging isang instrumento ng mga lider na kailangan ito pala dapat. Estimated kung tao diyan na pupunta na tao dito, hindi bababa sa 30K,” ayon pa kay Kapitan Bucol.