Pagtukoy ng DOJ na isa sa ikinokonsiderang utak sa Degamo case si Cong. Arnie Teves, binatikos

Pagtukoy ng DOJ na isa sa ikinokonsiderang utak sa Degamo case si Cong. Arnie Teves, binatikos

INALMAHAN at binatikos ng kampo ni Congressman Arnolfo Teves, Jr. ang pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang kongresista ang isa sa mga utak sa pagpatay kay Governor Roel Degamo ng Negros Oriental.

Sa pagharap ni Atty. Ferdinand Topacio kanina sa mga mamamahayag sa Department of Justice (DOJ) ay iginiit nito na hindi dapat nagbibigay ng ganoong pahayag ang kalihim lalo na at siya ang tumatayong boss ng mga piskal na humahawak sa kaso ng kaniyang kliyente.

Naniniwala si Topacio na lilikha ng impluwensiya sa kaso ni Teves ang pahayag ni Remulla.

Sa halip aniya na magsalita nang magsalita ay hinamon ni Topacio si Remulla na isampa na lang sa korte ang kaso laban kay Teves para magkaroon ng pagkakataon ang kongresista na makadepensa o maipagtanggol ang sarili.

Kaninang umaga kasi ay kinumpirma mismo ni Remulla na itinuturing na si Cong. Teves bilang isa sa mga mastermind sa pagpatay kay Gov. Degamo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter