Pagtulong sa maliliit na negosyante, dapat tutukan ng susunod na administrasyon – presidential adviser

Pagtulong sa maliliit na negosyante, dapat tutukan ng susunod na administrasyon – presidential adviser

IMINUNGKAHI ng isang presidential adviser sa susunod na administrasyon na dapat tutukan ang pagtulong sa maliliit na negosyante para sa tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya.

Karamihan sa nasa business sector ay maliliit na negosyante, ang Micro, Small and Medium-Sized enterprises (MSMEs) na 99 percent.

Ito ang ibinahagi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa Laging Handa Public Briefing.

Kung kaya, kailangan aniya ang tulong sa maliit na negosyante at isa rito ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng financing sa kanila.

Ito’y lalo’t marami sa MSMEs ang talagang matindi ang epekto sa kanila pagtama ng pandemya at kulang din sila sa working capital.

“Halos 99 percent ang bumubuo ng sektor na yan. Malaking negosyante katulad namin mga 1 percent lang kami. So, isang malaking bagay ang pagpapautang sa mga maliit na negosyante, nag-i-employ na 60 percent ng workforce natin,” ayon kay Concepcion.

Malaking bagay rin aniya sa mga MSME ang mentorship at market.

“Malaking bagay yang tulong ng private sector dito sa Go Negosyo na tumutulong dito sa pagbibigay ng mentorship. At sa marketplace naman kasama na rito ang digital na platforms na malaking tulong yan sa mga maliliit na negosyante,” saad ni Concepcion.

Kaya, mungkahi ni Concepcion sa susunod na administrasyon, dapat tutukan ang pagtulong sa mga maliliit na negosyante na malaking tulong din sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya.

“So lahat ng yan talagang dapat ibuhos na natin ang suporta sa MSMEs nang mas maging inclusive ang economy natin,” ayon pa sa presidential adviser.

Samantala, pinayuhan naman ng presidential adviser ang susunod na administrasyon na ituloy ang sinimulan ng magandang pamamalakad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte pagdating sa foreign relations na higit ding nakatutulong sa Philippine economy.

“Dapat ituloy ni President Marcos ang ginawa ni President Duterte, relationship ng China natin ay maganda, dito sa relationship natin sa Amerika,” ayon pa kay Concepcion.

“Itong foreign policy natin, importante talaga kasi mga investors kung makita na yung mga government nila na maganda, transparent, mahusay itong incoming administration, mas maraming papasok dito na foreign investors at ang ginawa ng economic team ni President Duterte ay talagang niluwagan na nila ang entry ng foreign investors dito sa bansa natin, importante din iyan,” dagdag ni Concepcion.

Samantala, hindi na magkukumahog ang papasok na liderato ng Pilipinas pagdating sa usapin ng ekonomiya ayon sa Palasyo.

Ito’y dahil isang maayos na takbo ng ekonomiya ang ipapamana ni Pangulong Duterte sa susunod na administrasyon.

Sinabi ito ni Acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa harap ng magandang balita na tumaas ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas.

Batay sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority, nasa 8.3% ang GDP growth sa unang kwarter ng 2022.

“This is a testament of how effective the approach of the administration is in ensuring our people’s safety from COVID-19 while giving the public the opportunities to alleviate hunger and joblessness,” pahayag ni Andanar.

Pangalawang magandang balita, ani Andanar, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas ang Foreign Direct Investment o FDI net inflows ng 46.3% year-on-year noong Pebrero.

Kung kaya umabot sa US $893 million ang FDI net inflows noong Pebrero 2022 mula sa US $611 million na naitala noong Pebrero 2021.

Bukod dito, ang paunang data naman mula rin sa PSA ay nagpapakita na napakabilis ng paglago ng manufacturing sa loob ng 7 buwan noong Marso 2022.

“Preliminary data from the Philippine Statistics Authority shows that manufacturing grew at its fastest pace in seven months last March 2022.  Manufacturing surged more than four times or 336.3% year-on-year in March. Isang magandang ekonomiya,” ani Andanar.

Kaugnay nito, inihayag ng Palasyo na makikita sa tatlong good news na ito  ang isang napakagandang Duterte legacy sa sektor ng ekonomiya.

Follow SMNI News on Twitter