Pagtuturok ng 2nd COVID-19 booster shot, umarangkada na

Pagtuturok ng 2nd COVID-19 booster shot, umarangkada na

UMARANGKADA na ang  pagtuturok ng 2nd booster shot laban sa COVID-19 para sa persons with comorbidities at mga senior citizen ngayong araw ayon sa Department of Health (DOH).

Kasunod ito ng pagdiriwang ng World Immunization Week na nagsimula kahapon, Abril 24 hanggang sa Abril 30.

Sinabi ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr.  Benito Atienza, priority ngayon na mabigyan ng ikalawang booster shot ang mga immune-compromised, senior citizens at pagkatapos ang mga healthcare workers.

“Yes, ang priority [technical problem] at alam ko mag-uumpisa na ngayon, kasi ngayon ay sini-celebrate natin iyong World Immunization Week from 24 to 30 ng April. Kaya ang priority natin ngayon na bibigyan, according sa DOH, [ay] itong immunocompromised at saka senior citizens tapos kasunod na diyan iyong mga health careworkers. Sabay-sabay na po iyan,” ayon kay Atienza.

Samantala, una nang sinabi ng DOH na isasagawa ang pagbabakuna sa Metro Manila sa Philippine Children’s Medical Center, Tala Hospital, Valenzuela Medical Center at piling venues sa Makati City.

Bukod sa immune-compromised individuals, tuturukan din ng ikalawang booster shot ang senior citizens at healthcare workers.

Ayon sa National Vaccination Operations Center (NVOC), target na makapagbakuna ng 690,000 doses sa eligible immune-compromised individuals kaya nanawagan si Atienza sa mga di pa nababakunahan.

“Kaya panawagan natin sa ating mga kababayan lalo na sa ating nakatatanda, doon sa hindi pa nagpapa-booster, kasi ang nabigyan pa lang ng boosters, out of 68 million to 69 million na nabakunahan is almost 15 million pa lang. Totoo po na napakahalaga ng ating vaccine,” ani Atienza.

Dagdag pa ni Atienza, may mga iba pang programa na gagawin para palakasin pa ang bakunahan dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Katulad na lamang ng public private partnership (PPP) na isa sa sangay ng pamahalaan.

Ayon kay Dr. Atienza ngayong kasalukuyang ipinagdiriwang ang World Immunization Week, mahalaga na maipaabot sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Follow SMNI News on Twitter