Pahayag ni PBBM na hindi isasapribado ang NAIA, pinaboran ni Pastor ACQ

Pahayag ni PBBM na hindi isasapribado ang NAIA, pinaboran ni Pastor ACQ

KASUNOD ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi isasapribado ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nagbigay rin ng kanyang komento si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Dapat tutukan ang pamamahala sa NAIA kung hindi man ito planong isapribado ng pamahalaan.

Ito ang naging pahayag ni Pastor Apollo sa kanyang programang Powerline nitong Miyerkules, Enero 25, matapos hingin ang kanyang komento hinggil sa pahayag ni Pangulong Marcos na walang privatization na mangyayari sa NAIA.

Matatandaang nitong Lunes, sa kanyang presidential interview, sinabi ng Pangulo na bagamat hindi isasapribado ang airport ay bukas naman ang gobyerno sa pribadong sektor na mamahala sa paliparan.

Binigyang-diin naman ni Pastor Apollo na ang problema sa pamamahala ng NAIA ang naging puno’t dulo ng naging aberya noong Bagong Taon sa airport kaya ito dapat ang tugunan.

“Okay lang kung hindi privatized pero dapat very efficient. Hindi na dapat mangyari ‘yung glitch na nangyari diyan. Bakit nangyari ‘yun? Kapabayaan. Bakit nangyari ‘yun? Poor leadership diyan sa NAIA. Bakit nangyari ‘yun? Inefficient, incompetent ang pagma-manage ng ating premier airport. Kung ganoon na hindi pwedeng i-privatize, kailangan ayusin ng ating pamahalaan ang pamamahala ng NAIA na hindi na magkakaroon ng ganoong klaseng glitch na maraming mga byaherong napaperwisyo,” pahayag ni Pastor Apollo.

Samantala, matatandaang inihayag ni Pangulong Marcos na nakikipag-usap na ang pamahalaan sa ilang mga pribadong kumpanya na maaaring tumulong upang maisaayos at maging epektibo ang air traffic system sa paliparan.

Follow SMNI NEWS in Twitter