SA talumpati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Independence Day, sinabi nitong mas mahusay ang nagawang trabaho ng gobyerno sa pamamahala ng ekonomiya ng Pilipinas lalo na sa pagtugon sa inflation at pagpromote sa bansa bilang destinasyon para sa mga investment.
“Despite the woes brought about by global inflation, the Philippines has still managed to curb inflation to a reasonable — almost manageable level,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pero para sa isang ekonomista na si Dr. Michael Batu, ang pahayag ng Pangulo ay bahagi lang ng gimik nito dahil hindi naman aniya ramdam ng mga ordinaryong Pilipino ang magandang pamamahala ng gobyernong Marcos lalo’t pagdating sa ekonomiya.
Tinira into ang pagpapabaya ni Pangulong Marcos sa sariling produksiyon ng bansa dahil sa kalabisan nito sa pag-iimport.
“Iuugnay ko ‘yan sa Bagong Pilipinas hymn, meron silang pinapakanta na hymn no, isa sa mga linya doon sa hymn na ‘yon na tangkilikin natin ‘yong sariling atin, papaano mo tatangkilikin mo ang sariling atin kung angkat tayo nang angkat. Mismo sila ang kanta nila viniolate na nila ‘yong gusto nilang pakantahin sa mga tao. In managing the economy, kitang-kita natin na we are importing so much, na neneglect na ‘yong ating internal production kaya nakikita natin na import tayo nang import. Kaya nga sinasabi ni Pangulong Marcos, na namamanage ‘yong economy, well in data napakaganda ng performance ng ating ekonomiya sa papel pero kung tatanungin mo ‘yong ating mga kababayan, iba ang sasabihin nila sa inyo. It’s a more of gimik, gimik lang ‘yong sinabi ng ating Pangulo kasi nga po hindi talaga ‘yan na nararanasan ng ordinary ng ating mga kababayan,” diin ni Batu.
Dating kongresista, nangangamba sa sasapitin ng bansa kapag nagkaroon ng food shortage
Si Former Cong. Anthony Bravo nga, pinatitiyak sa pamahalaan na hindi mangyayari ang food shortage dahil sigurado aniya na magkakagulo ang lahat dahil sa gutom.
“Ang lagi nilang sagot niya kapag mababa ang production, mag import ka, papaano kung wala kang maipon? Magugutom ang tao. Kapag nagutom ang tao, what would be the result. May nalaman ka bang bansa nagutom ang mga mamayan, naging tahimik? Hindi ah.”
“Papasukin kahit hindi niya bahay, kukunin kung mayroong pagkain doon. ‘Yan ang realidad. Gutumin mo ang taong bayan, magpapatayan ‘yan,” ayon kay Ex. Cong. Anthony Bravo.
Sa ilang mga hirap sa buhay sa bahagi ng Maynila, sinabi nila na maniniwala lang sila sa pahayag ng Pangulo pagdating sa ekonomiya kung bumaba na ang mga presyo ng bilihin na siyang sobrang nagpapahirap sa kanila ngayon.
Kahirapan, mataas na presyo ng bigas idinadaing ng mga taga-Baseco sa nakaupong Pangulo
Sa Baseco Area, marami sa mga residente ay naniniwala na mas maginhawa pa ang kanilang pamumuhay noong nakaraang administrasyon kung ikukumpara sa ngayon kung saan sa halip na maging P20 ang presyo ng bigas ay tumaas ito sa P60 per kilo. Kaya naman kung dati anila 3x a day silang nakakain ay dalawang beses na lang ngayon, minsan nga ay isang beses na lang sa isang araw.
Gaya ni Ate Evelyn, na itinuturing ang kaniyang pamilya na isang kahig isang tuka ngayon. ‘Di na raw kasi nila kayang makabili ng bigas na sasapat sa isang araw dahil sa pagmahal ng presyo nito.
Kung gumanda man aniya ang ekonomiya, ang mga mayayaman lang ang nakararamdam, sa mga katulad niya, mas mahirap na buhay ang ramdam nila sa mga pangako noon ng Pangulong Marcos.
“Bakit ang sabi nila dati, na kapag nanalo si Bongbong, pinangako na ang isang kilong bigas ay 20 pesos. Anong taon pa mangyayari yon, Dios ko. ‘Di naman natupad yong sinabi nila na isang kilo 20 pesos, lalo pa kamung tumaas ‘yong isang kilo, makabili ka PHP50, Diyos ko. Pwere gaba naman. Sympre kahit tayo ay mahirap, kahit mahirap ka kakain ka nang maayos ayos na pagkain, makakabili ka ng 50 durog na durog tapos itim na bigas,” ayon kay Ate Evelyn, Residente sa Baseco.
“Dati kasi ang kain namin umaga, tanghali, hapon, gabi ‘yon ang kain namin, ang kain na lang namin ngayon, minsan hindi na kami nag-aalmusal. Diretso na kami tanghalian, saka meryenda, hindi nauuso ang meryenda, diretso na hapunan,” dagdag nito.
“Tuparin naman nila ang binitawan nilang salita na kahit sa bigas bumawi sila kasi ‘yon talaga ang pinaka-kailangan ng mga tao. Tataasan nila ang presyo, ang lintik na 600 na sahod sa anak na dalawa o tatlo kulang na kulang ‘yan,” aniya pa.
Naiyak pa ito dahil kahit aniya gamit sa eskwela, ay hindi nito mabilhan ang mga anak niya dahil sa pagkain pa lang ay kulang na ang pera niya.
“Sabi ko nga sa mga ninang niya kung may mga lumang gamit kayo ng mga anak niyo. Akin na lang,” aniya.
Si Ate Cherel naman, hirap na hirap din kung paano pagkakasyahin ang kaniyang kinikita na P100 sa kada araw sa pagbabalat ng bawang.
Kung ang kilo daw ng bigas ay nasa P60, kulang na kulang daw ito para sa apat na batang kaniyang pakakainin sa buong araw.
“Kasi sa almusal pa lang, kung mag-aalmusal ‘yong mga anak ko talagang, as in kulang kasi, champorado magkano na ngayon, 15 pesos ay ilan ‘yong anak ko, apat, minsan hindi na nga ako kumakain, ‘yong mga anak ko na nga lang. Sa kinse is magkano silang apat, 60, mabuti nga minsan ‘yong dalawang anak ko hindi gumigising, ‘yong dalawang anak ko lang ang pinag-aalmusal ko,” wika ni Cherel Mendoza-Frilles, Residente sa Baseco.
“Minsan hindi na lang kami mag-aalmusal, minsan ‘yong isang daan ipangtatabi ko na lang pambigas para sa tanghalian. Paano yong dinner? Mangungutang na lang,” aniya.
Ang kaniyang asawa ay nakaka-extra naman aniya sa construction pero kahit pa may minimum na sahod ito, hindi pa rin sapat, bukod kasi sa pagkain ay may babayaran pa sa kuryente, tubig at iba pang gastusin ng mga bata sa paaralan.
“Hindi talaga kinakaya. Kaya minsan umaasa ako sa mama ko, malaking bagay rin talaga ‘yong nakakahingi ako ng tulong sa magulang ko, malilibre ako ng kuryente, minsan tubig,” aniya pa.