Pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong FVR, bumuhos

Pakikiramay sa pagpanaw ni dating Pangulong FVR, bumuhos

NAGPAHAYAG ng pagkalungkot ang ilang mga senador sa biglaang pagpanaw ni dating Pangulong Fidel Valdez Ramos (FVR).

Ayon kay Senador Ramon Bong Revilla Jr., napakabigat at napakalungkot na balita ang pagpanaw ng kanyang itinuturing na ama sa paglilingkod-bayan, na si dating Pangulong Ramos.

Iginiit pa ni Revilla na hindi matatawaran ang naging pamana ni FVR sa bansa kung saan sa pamamagitan ng kanyang pamumuno ay umahon ang Pilipinas mula sa mga krisis na bumabalot sa bawat Pilipino ng mga panahong iyon.

“Hindi matatawaran ang naging pamana ni FVR sa bansa. Sa pamamagitan ng kanyang pamumuno ay umahon ang Pilipinas mula sa mga krisis na bumabalot sa bawat Pilipino ng mga panahong iyon. His legacy is the foundation upon which later administrations have built upon. He transformed the Philippines from being the sick man of Asia to the Tiger of the Region,” pahayag ni Revilla.

Sa parte naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri sinabi ng senador na nawalan tayo ng brilliant man sa pagpanaw ng dating Pangulong Ramos.

Ipinagmalaki pa ni Zubiri ang napagtagumpayan din ni Ramos na usaping pangkapayapaan partikular na sa Mindanao sa pagitan ng MNLF sa pamumuno ni Nhur Missuari.

“And beyond economic progress, he also left an indelible mark on our peace process, which I particularly admire him for, as a Mindanaoan myself. He met eye to eye with the MNLF and the other Armed groups, recognizing their struggle and their freedom to pursue their cause,” ayon kay Zubiri.

Dagdag pa ni Zubiri, malaking kawalan para sa mamamayang Pilipino ang pagkawala ng dating Pangulong Ramos.

Inalala naman ni  dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanilang mahaba-habang samahan ni Ramos sa Defense Department.

“I am saddened by his passing away. He was a very able officer of the military. We worked together in the Defense Department, especially during the period when the communist movement was at its height,” saad ni Enrile.

Ani Enrile, magaling na military officer si FVR at hindi rin matatawaran aniya ang serbisyo nito sa bansa, lalo na sa kasagsagan ng kilusan ng komunismo.

Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay sinabi nito na nakahanda silang magsagawa ng funeral service para sa dati nilang Commander in Chief.

“As part of its mandate, the AFP is prepared to render traditional military funeral services as our final salute to the departed former Commander-in-Chief. Flags in all military installations shall be raised at half mast in solidarity to the grieving nation,” payahag ni Col. Medel M. Aguilar, acting AFP spokesperson.

Si dating Pangulong Ramos ay nagsilbi bilang Chief ng Philippine Constabulary mula 1972 hanggang 1986 at Chief of Staff ng AFP mula 1986-1988.

Naging kalihim din si Ramos ng Department of National Defense (DND) mula 1988-1991.

Bukod sa mga nabanggit ay nagpaabot din ng kanilang pakikiramay sina dating Presidente Erap Estrada, Rodrigo Duterte, at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Follow SMNI News on Twitter