PAL at Cebu Pacific, inanunsyo ang refund ng mga ticket papuntang Metro Manila

INANUNSYO ng Philippine Airlines na maaaring kunin ng mga pasahero ang mga refund ng mga airfare o i-rebook ang kanilang mga ticket kaugnay sa ipatutupad na domestic travel ban simula sa Marso 15 hanggang Abril 14.

Sa ilalim ng community quarantine, hindi papayagan ang alinmang domestic flights palabas ng Metro Manila.

May tatlong paraan na puedeng gawin ang mga pasahero, ito ang pag-rebook, refund o ang pag-reroute o pagpapalit ng ruta ng kanilang ticket.

Maaaring tumawag sa reservations hotline (+63 2) 8855 8888, sa mga gustong magpa-rebook o kaya ay bisitahin ang pinakamalapit na travel agency partner ng PAL.

Sa ngayon, tuloy pa rin ang international at domestic flights ng PAL sa ibang bahagi ng bansa maliban sa Metro Manila.

Sa kabilang banda, lahat naman ng pasahero na may domestic at international flight destinations mula noong March 10 hanggang April 30 via Cebu Pacific ay maaaring makapag-rebook ng libre.

Ito ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa Metro Manila sa community quarantine.

Maliban dito, papayagan din na mag-avail ng CEB Flexi add-on ng libre kung saan maaari mag-iba ng travel dates ng hanggang dalawang beses ang mga ticket holder sa naturang petsa.

Bukod dito ay maaari ding ilagay ng pasahero sa travel fund ang kanilang ticket na maaari nilang muling ma-redeem sa loob ng 180 days.

Tiniyak naman ng CebuPac na susunod sila sa lahat ng alituntunin at patuloy na makikipag-ugnayan sa pamahalaan sa ipinatutupad na preventive measures laban sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published.