INILUNSAD kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ang pagbubukas ng kauna-unahang flight ng Philippine Airlines (PAL) mula Maynila patungong Da Nang, Vietnam.
Ang flight PR 585 ay hindi lamang bagong ruta, kundi isang simbolo ng mas pinatibay na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam, lalo na ngayong ipinagdiriwang ng dalawang bansa ang ika-11 anibersaryo ng kanilang Strategic Partnership, at sa darating na 2026, ang ika-50 taon ng diplomatikong relasyon.
“Ito ay higit pa sa isang bagong ruta. Isa itong tulay na nag-uugnay sa dalawang mayamang kultura, nagpapalalim ng ugnayang panrehiyon, at nagpapakita ng ating layunin para sa mas maginhawa at makahulugang paglalakbay sa loob ng ASEAN,” pahayag ni Usec. Shahlimar Hofer Tamano, Department of Tourism.
Tatlong beses kada linggo ang biyahe patungong Da Nang, na patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipinong turista. Sa kabilang banda, inaasahan ding dadami ang mga turistang Vietnamese na bibisita sa bansa.
Sa pagbubukas ng bagong rutang ito, mas pinapalawak pa ang koneksiyon ng Pilipinas sa rehiyon, at binibigyang-daan ang mas masiglang palitan ng kultura at turismo.