PAL, nagpaabot ng pakikiramay at dalamhati sa nasawing flight attendant

NAGPAABOT ng pakikiramay at pagdadalamhati ang Philippine Airlines sa mga mahal sa buhay ng yumaong flight attendant ng PAL Express na si Christine Angelica Dacera.

Ayon sa PAL ipinapaabot na rin nila ang kanilang suporta sa mga mga naiwang pamilya at kamag-anak ni Dacera at tanging hangad na lamang ng Philippine flag carrier ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng flight attendant.

Matatandaan, Disyembre 31 ng mag-check in sa City Garden Hotel sa Makati si Dacera para sa kanilang New Year Party.

Ayon sa kasama ng biktima, na si Rommel Galida, isa ring flight attendant, nakita si Dacera sa bathtub ng alas 10 ng umaga tila natutulog pero makalipas ang ilang oras ay binalikan ito ni Galida at nakitang kulay asul na ang balat ng dalaga at wala nang malay.

Dinala si Dacera sa clinic ng hotel para mabigyan ng CPR ng security manager ngunit hindi pa rin ito nagkamalay kaya isinugod ito sa Makati Medical Clinic, kung saan ay dineklara itong dead on arrival.

Napag-alaman na labing isang katao ang nakasama ni Christine sa hotel nang maganap ang krimen.

Hindi rin umano inaasahan ni Christine na marami pala sila sa hotel.

Ayon kay Makati Police Col Harold Depositar, nag-invite ang mga kaibigan ng biktima ng iba pang mga kaibigan.

Ayon din ng Makati Chief of Police, nagsimula ang party alas diyes ng gabi hanggang umaga at nasumpungan ng mga otoridad ang maraming bote ng alak sa lugar.

Nabatid din na may nilagay sa drinks ni Christine dahilan para mag-iba na ang pakiramdam nito.

Sinilip na rin nila ang kabuuang kuha ng CCTV camera kung saan binubuhat ng magkakaibigan ang katawan ng biktima at inilipat sa kabilang unit kung saan nandoon ang iba pang kaibigan nito.

Giit pa ni Depositar bagama’t lumalabas sa autopsy report na aneurysm ang ikinamatay ng biktima ay nakitaan naman ito ng laceration sa maselang bahagi ng katawan at mga pasa sa hita at ibang bahagi ng katawan dahilan para makasuhan ng rape na may kasamang homeside ang 11 na suspek.

Samantala, nag-alok naman ng P100,000 na pabuya sa bawat suspek na maaaresto ang isang mambabatas na si ACT-CIS Party-List Rep. Eric Yap sa nangyari kay Dacera kaugnay sa kaso ng pagkamatay at hinihinalang pagdroga at panghahalay kay Christine.

Ayon kay Yap, hustisya ang panawagan at tiyaking mapanagot ang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.

Sa 11 katao na hinahanap kaugnay sa nangyari kay Dacera, tatlo na ang naaresto na kinilala ng Philippine National Police na sina John Pascual Dela Serna III, 27, Rommel Daluro Galido, 29, and John Paul Reyes Halili, 25.

Kasalukuyan pang hinahanap ang walo pang mga suspek.

Pinag-aaralan na ng Makati City Police ang posibleng isasampang kaso laban sa City Garden Grand Hotel kaugnay sa insidente ng pagkamatay ng isang flight attendant ng Philippine Airlines.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.